Macho dancer na nagpakasal sa bakla, nag-about facer na

Nang mamatay ang tatay ko, nasadlak kami sa matinding kahirapan at sa udyok ng mga barkada ko, pumasok ako bilang macho dancer sa isa sa mga madidilim at maiingay na club sa Ermita. Hindi ko inisip na kababuyan o kabastusan yung ginagawa ko kasi ang gusto ko lang naman ay yung pera. Ang katwiran ko, iligo ko lang at pagkatapos ay okey na.

Kaya lang ay hindi ako naging kuntento sa pasayaw-sayaw lang. Nagumon ako sa pagsusugal. Sobrang gumon ko at yun ang naging dahilan kaya ako pumatol sa mga bakla at matrona. Ang totoo pa nga eh nagpakasal ako sa bakla para masunod lang ang layaw ko at maranasan ang marangyang buhay. Yun nga lang, puro selos at away ang kinahantungan ng relasyon namin kaya iniwan ko siya at nagpalipa’t lipat ako sa mga bakla at matrona na nababaliw sa akin.

Pero kahit ganoon ang trabaho ko, nagsisimba naman ako. Sa katunayan, ipinagdarasal ko pa nga na sana ay maraming costumer sa club para mas marami akong kita. Hindi ko inisip na masama yung trabaho ko. Tulad ng nabanggit ko, nagumon ako sa sugal. Lalaban ako kahit itaya ko ang mismong suot ko. Para matustusan itong bisyo na ito, naghanap ako ng karagdagang pagkakakitaan. Naging trabaho ko yung magbukas ng mga kotse. Kukunin ko ang lahat ng laman ng kotse at pagkatapos ay iiwan ko na ito.

Sa ganito umikot ang buhay ko–walang direksiyon, walang contentment, walang katahimikan at walang kinatatakutan. Subali’t talagang mabait ang Diyos. Ginamit Niya ang nanay ko para masumpungan ko ang tunay na katahimikan. Birthday ng nanay ko noon at hiniling niya na sumama ako sa isang "fellowship." Birthday gift ko na raw sa kanya na sumama ako.

So sama naman ako. Noong naroon na kami, nakinig ako sa nangangaral at pakiramdam ko, lahat ng mga sinasabi niya ay patungkol sa akin. Tapos sabi niya, "Kung ikaw ay napapagal, nabibigatan at nagugulumihanan sa iyong buhay, ba’t di mo subukang lumapit sa Panginoon para masumpungan mo ang iyong kapahingahan at kapayapaan?"

Naramdaman ko na lang ang sarili ko na tumayo at pumunta sa harap. Naramdaman ko rin nang sandaling iyon na talagang mahal ako ng Diyos. Hindi lang yon, nagkaroon ako ng kalinawan na masama yung buhay na tinatahak ko. Simula noon, unti-unting binago ng Diyos yung buhay ko. Wala talagang puwedeng bumago sa tao sa kanyang isipan lalo na sa kanyang puso, at lalo’t higit sa kanyang buhay kung hindi yung lumikha sa kanya – ang Panginoong Hesus.

Jun

Show comments