Nag-ambag ng P1.4 trilyon sa ekonomiya Mayor Joy: ‘Quezon City, walang utang’

MANILA, Philippines — Ipinagmalaki ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang matatag na kalagayang pinansyal ng lungsod at walang utang sa ilalim ng kanyang administrasyon kasabay ng paglalaan ng malaking bahagi ng P45.5 bilyong badyet ngayong 2026 sa mga serbisyong panlipunan.
Sa kanyang 8th State of the City Address (SOCA) nitong Lunes, sinabi ni Belmonte na lumago sa P28.4 bilyon ang lokal na kita ng lungsod mula sa P19.3 bilyon noong una niyang termino. Umabot naman sa P17.5 bilyon ang lokal na koleksiyon sa unang kalahati ng 2026. Sa katunayan, nag-ambag ang QC ng P1.4 trilyon sa ekonomiya ng bansa noong 2025, katumbas ng anim na porsiyento ng gross domestic product (GDP).
Kabilang sa mga prayoridad ng lungsod ang serbisyong pangkalusugan na may nakalaang P5.5 bilyon ngayong taon. Mahigit 500,000 residente na ang nakarehistro sa Yaman sa Kalusugan Program (YAKAP) ng PhilHealth, na nagbibigay ng libreng konsultasyon, laboratory test, cancer screening at hanggang P20,000 halaga ng mahahalagang gamot. Magbibigay rin ang lungsod ng P150 insentibo sa mga barangay sa bawat residenteng maiparehistro sa programa.
Pinalalawak din ng QC ang mga hakbang para sa kaligtasan ng publiko, kabilang ang paglalagay ng mga elevated water tank na may standpipe sa mga lugar na mahirap pasukin ng mga fire truck. Uunahin ang pagsubok sa sistema sa Barangay Apolonio Samson bago ito ipatupad sa iba pang komunidad.
Kasabay nito, isinusulong ng lungsod ang drainage master plan upang mabawasan ang pagbaha, kabilang ang pagtatayo ng limang detention basin sa Commonwealth, Greater Lagro, NS Amoranto, Masambong at Bahay Toro. Pinalalakas din ang mga programa laban sa matinding init at paghahanda sa inaasahang malakas na El Niño sa huling bahagi ng 2026 hanggang unang bahagi ng 2027, sa pamamagitan ng water tanker, filtration unit at iba pang hakbang sa pagtitipid at pamamahala ng tubig.
Tinalakay rin ni Belmonte ang pagkamatay ng tatlong binatilyo sa Barangay Batasan Hills na umano’y kinasangkutan ng isang miyembro ng Task Force Disiplina. Kasunod ng insidente, binuwag ang nasabing task force at iniutos ang retraining at reporma sa mga tauhan ng Department of Public Order and Safety, Traffic and Transport Management Department at mga tanggapan ng barangay public safety.
Nagtatapos sa 2028 ang ikatlo at huling termino ni Belmonte bilang alkalde. Hinimok niya ang mga residente na pangalagaan ang mga nakamit ng lungsod at tiyaking magpapatuloy ang mga programang nagtataguyod ng kaunlaran, katarungan at dignidad para sa lahat ng mamamayan.
- Latest

















