Mosyon ni VP Sara sa grave threats, ibinasura ng Korte

MANILA, Philippines — Ibinasura ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) Branch 98 ang mosyon ni Vice President Sara Duterte para sa inhibition o voluntary recusal ng hukom sa kasong grave threats na kinakaharap niya.
Sa kautusan na may petsang Setyembre 14, 2026, sinabi ni Presiding Judge Maria Angelica De Ramos na walang sapat na batayan ang hirit ni Duterte.
“All told, absent any clear and convincing evidence of actual bias, prejudgment, or an improper connection… the undersigned sees no cogent reason for her to inhibit or recuse herself,” saad ng desisyon.
Noong Setyembre 10, inakusahan ni Duterte ang korte na umano’y tumutulong sa prosekusyon matapos utusan itong magsumite ng digital evidence na wala sa orihinal na isinumite. Iginiit niya na magiging malaking pagkukulang ang hindi pagsama ng digital evidence dahil dito nakabatay ang alegasyon ng grave threats na ginawa sa pamamagitan ng live streaming.
Dagdag pa ni Duterte, dapat mag-inhibit ang hukom dahil siya at ang anak nito ay kapwa itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na itinuturing niyang political opponent.
Tinuligsa ng prosekusyon ang mosyon at iginiit na ang mga dahilan ay nakaugat lamang sa hindi pabor na desisyon ng korte. Ayon dito, hindi maituturing na pagtulong ang direktiba ng hukom na magsumite ng digital evidence, dahil ito ang tanging kopya na pinanatili para sa integridad ng ebidensya.
Sa desisyon, nilinaw ng korte na walang ebidensya ng pagkiling pabor sa prosekusyon at ang judicial appointment ng isang hukom ay hindi nangangahulugang obligasyong pampulitika.
“Upon assumption of judicial office, the judge is bound to decide cases independently, on the basis of the Constitution, the law, and evidence on record,” pahayag ng QCRTC.
Ayon sa abogado ni Duterte na si Atty. Paul Lawrence Lim, gagamitin nila ang lahat ng legal na remedyo matapos ibasura ang mosyon. Tinanggap din nila ang kautusan ng korte na nag-aatas sa magkabilang panig na sumunod sa sub judice rule at iwasang talakayin sa publiko ang merito ng kaso.
Nahaharap si Duterte sa tatlong counts ng grave threats matapos umano’y magbantang ipapatay sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
- Latest






















