PANOORIN: PCG, tinaboy ang Chinese research vessel sa Batanes
MANILA, Philippines — Pinaalis ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang Chinese research vessel na nagsasagawa ng hindi awtorisadong marine scientific research sa Batanes ngayong Huwebes, Oktubre 1.
Ipinadala ng PCG ang BRP Teresa Magbanua at isang PCG Islander aircraft para sitahin ang research vessel na JIA HAI KE 7, hadlangan ang mga aktibidad nito, at paalisin ito sa katubigan ng Pilipinas.
Namataan ang barko sa loob ng Philippine Exclusive Economic Zone (EEZ), mga 37 nautical miles hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes, mula pa nang kumpirmahin ng PCG ang presensiya nito noong Setyembre 28.
Bandang alas-7:55 ng umaga, nakalapit ang BRP Teresa Magbanua sa barko at naglunsad ng rigid-hull inflatable boat para hadlangan ang illegal marine scientific research nito at himukin itong umalis sa lugar, habang patuloy na nag-isyu ng radio challenges ang barko ng PCG.
Habang isinasagawa ang operasyon, biglang dumating sa lugar ang China Coast Guard vessel CCG-2503, na lumapit sa BRP Teresa Magbanua at nag-isyu rin ng ilang radio challenges. Sinundan naman ng BRP Teresa Magbanua ang barko ng CCG sa layong 1,000 yards habang nananatiling malapit sa research vessel.
Sa ilalim ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at Philippine Maritime Zones Act, hindi pinapayagan ang anumang dayuhang sasakyang-dagat na magsagawa ng marine scientific research sa EEZ nang walang pahintulot ng gobyerno ng Pilipinas.
- Latest





















