Walang rekord ng banta kay VP Sara — Palasyo

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Malakanyang na walang anumang rekord ng pagbabanta sa buhay ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang sagot ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro matapos ang pahayag ng Bise Presidente na may banta umano sa kanyang buhay at hindi siya ligtas.
Ayon kay Castro, nakausap niya si PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez at NBI Director Melvin Matibag na parehong nagsabing walang naitalang reklamo o ulat hinggil sa pagbabanta kay Duterte.
“Wala pong record, wala pong pagsusumbong, wala pong reklamo. At sinisiguro ng pamunuan ng PNP at ng mga ahensiya na nagbibigay ng proteksiyon, lahat po — hindi lang ang Bise Presidente — ay binibigyan ng proteksiyon ng pamahalaan. Kaya walang dahilan para sabihing hindi safe ang Bise Presidente,” ani Castro.
Hinamon pa ni Castro si Duterte na patunayan sa pamamagitan ng ebidensya at dokumento kung saan nanggagaling ang kanyang pangamba.
Hindi naman nakapagtataka, ayon kay Castro, na kampihan ni Cong. Paolo Duterte ang kanyang kapatid matapos mag-post sa social media ng: “I am a Filipino and I do not feel safe.”
Sa huli, iginiit ni Castro na tuluy-tuloy ang pagbibigay ng aksyon ng kapulisan at mga ahensiyang pangseguridad upang manatiling secured, safe, at protected ang lahat ng mamamayan.
- Latest




















