DOE: Oil price hike hanggang Pasko

MANILA, Philippines — Posible umanong magpatuloy pa ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa hanggang sa Pasko.
Ayon sa Department of Energy (DOE), sa ngayon ay wala pa silang nakikitang indikasyon na maaaring bumalik ang presyo ng oil products sa pre-war levels lalo na at patuloy pa rin ang paglala ng tensiyon sa Gitnang Silangan, gayundin ang pagbaba ng halaga ng piso.
Ipinaliwanag ni Energy Secretary Sharon Garin na kung ang exchange rate at sitwasyon sa Gitnang Silangan ang pagbabatayan ay inaasahan nilang hindi pa bababa sa pre-war levels ang presyo ng langis.
Posible pa nga aniya na manatiling mataas ang presyo nito hanggang Pasko.
“With the exchange rate and the situation in the Middle East, we expect that within the year, prices will not yet go down to pre-war levels. It will probably remain elevated until Christmas,” aniya pa.
Matatandaang ilang linggo nang sunud-sunod ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.
Kahapon lamang, muling nagpairal ng big time oil price hike ang mga kumpanya ng langis, sanhi upang magkasa na naman ng panibagong transport strike ang ilang transport groups sa bansa.
- Latest























