‘Pagong’, ‘pusa’, ‘belat’ kumubra ng confidential funds

MANILA, Philippines — Lumutang ang mga bagong pangalan gaya nina Antonio Pagong, Timon Andrew Pusa, Xuniso Belat, at tatlong iba pa sa listahan ng recipients ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Senado nitong Lunes.
Sa ika-17 araw ng pagdinig, kabilang pa sa mga kahina-hinalang pangalan sina May Pamana, Shane Ngitngit, at Don Piang.
Ayon kay dating Office of the Vice President (OVP) Special Disbursing Officer Gina Acosta, hindi siya personal na nakasaksi sa transaksiyon at ibinase lamang ang mga dokumento sa isinumite ni OVP Security Chief Col. Dante Lachica.
Batay sa mga acknowledgement receipts, tumanggap ang mga naturang pangalan ng halagang mula P100,000 hanggang P250,000 para umano sa pagbili ng impormasyon at pag-upa ng transport vehicles.
Sa pagtatanong ni prosecution private counsel Amando Virgil Ligutan, kinompronta si Acosta sa resibo sa pangalan ni Pagong na may halagang P100,000.
“Hindi ko siya nakita, Your Honor, kasi wala po ako doon sa ground. Siya po ang nag-implement, Your Honor,” sagot ni Acosta.
Nasa listahan din si Pusa na nakatanggap ng P100,000 para sa transport rental, si Piang na P250,000, si Ngitngit na P150,000, at si Belat na P100,000. Giit ni Acosta, hindi niya nakita kung aktuwal na ibinigay ang pera sa kanila.
Ang mga pangalan ay nadagdag sa hanay ng mga kahina-hinalang recipients gaya ni Mary Grace Piattos, na una nang naging sentro ng imbestigasyon ng Kamara. Nag-alok pa ng P1 milyong pabuya ang mga kongresista para sa impormasyon hinggil sa pagkatao ni Piattos, na pinagsamang pangalan ng cake brand na Mary Grace at sitsiryang Piattos.
Direktang tinanong ni Impeachment Court Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero si Acosta tungkol dito. “Wala kang personal knowledge na binigay nga doon sa mga tao ‘yung pera o ginastos talaga para sa supplies?” tanong ni Escudero.
“Wala po,” sagot ni Acosta.
Sinabi ni Acosta na umasa siya kay Lachica, na itinalaga ni Duterte upang magsagawa ng mga confidential activity ng OVP, gayundin sa mga dokumentong ibinigay nito bilang liquidation o accounting ng mga gastusin. Inamin din niyang si Lachica mismo ang kanyang kinonsulta upang mapatunayan ang mga naturang dokumento.
Nagpatotoo rin si Acosta nitong Lunes na naglabas siya ng apat na cash tranche na tig-P125 milyon, na may kabuuang P500 milyon, kay Lachica mula Disyembre 2022 hanggang ikatlong quarter ng 2023.
Bahagi ang testimonya ni Acosta ng presentasyon ng House prosecution kaugnay ng unang artikulo ng impeachment, na tumatalakay sa umano’y maling paggamit at iregular na liquidation ng confidential funds ni Duterte.
- Latest


















