System loss ma-aalis ba sa singil sa kuryente?

Ano ba ang “system loss”? Maari ba ito alisin ni President Bongbong Marcos para bumaba ang singil ng electric distributors at cooperatives?
Dalawang klase ang system loss. Una ang technical. Nakaka-enkwentro ng resistance ang electric current habang dumadaloy sa kawad. Bahagi ng kuryente ay nagiging init. Dahil sa physics, sumisingaw ang init mula sa kawad, transformers, atbp. ekwipo.
Ikalawang klase ang non-technical. Ito ang hindi napapakinabangang kuryente dahil sa nakaw, ilegal na koneksyon, depektibong metro, at sablay na billing. Ito ang maari alisin, pero dapat mamuhunan ang distributors at cooperatives sa mahusay na teknolohiya at manpower.
Walang pinagkaiba ang system loss sa non-revenue water (NRW) ng Maynilad, Manila Water, Prime, at local waterworks utilities. Dalawang uri rin ang NRW. Una ang tubig na sumisingaw dahil sa evaporation. Ikalawa ang tubig na tumatapon sa truck o tumutulo sa pipes dahil sa kapabayaan. Walang magagawa sa una dahil sa physics. Maaalis ang ikalawa kung maging maingat at sistematiko.
Limitado sa 5.5% ang system loss na maari singilin ng private electric distributors sa ilalim ng 2001 Electric Power Industry Reform Act. Sa mga rural electric cooperatives, 8.25-12.25%. Pinapatungan ito ng 12% Value-Added Tax sa consumption.
Dapat amyendahan ng Kongreso ang EPIRA para bawasan o alisin ang system loss charges. Natural lang na ang system loss dahil sa physics ay isasama na lang ng distributors at electric cooperatives sa cost of operations. Pero dapat magtakda ang Energy Regulatory Commission ng bukod na alituntunin para maibaba ang system loss mula sa kapabayaan.
Sana mangyari agad ito.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)
- Latest















