COA: VP Sara, responsable sa P612.5 milyong pondo

MANILA, Philippines — Binigyang-diin ng Commission on Audit (COA) state auditor na si Roderick Wamil sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules na ang pinuno ng isang ahensya ng pamahalaan ang may agarang at pangunahing pananagutan sa lahat ng pampublikong pondong hawak ng kanyang tanggapan.
Lumabas ang pahayag matapos tanungin ni Senator-Judge Risa Hontiveros kung sino ang dapat managot sa mga pondong pinangangasiwaan ng isang ahensya. Una, tinukoy ni Wamil ang mga opisyal gaya ng disbursing officer, accountant, treasurer, project officer, at ang head of agency.
“Ang disbursing officer, accountant, treasurer, project officer, at ang head of the agency,” ani Wamil.
Itinuro ni Hontiveros ang probisyon ng Government Auditing Code of the Philippines (PD 1445), partikular ang Sections 101 at 102, na nagsasabing ang head of agency ang primarily at immediately responsible sa lahat ng pondo ng kanyang tanggapan. Kinumpirma ito ni Wamil sa kanyang sagot: “Opo.”
Nakasaad sa Section 101 na ang bawat opisyal na humahawak ng pampublikong pondo ay may pananagutan sa wastong pag-iingat nito, habang sa Section 102 ay tahasang nakasaad na ang pinuno ng ahensya ang may agarang at pangunahing responsibilidad sa lahat ng pondo at ari-arian ng kanyang tanggapan.
Dagdag pa, ayon sa Section 103, ang anumang labag sa batas na paggasta ay magiging personal na pananagutan ng opisyal o empleyadong mapapatunayang direktang responsable rito.
Sa naunang bahagi ng kanyang testimonya, kinilala ni Wamil ang mga lagda ni VP Duterte sa mga dokumentong kaugnay ng pagpaplano, paglalabas, accomplishment, at liquidation ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Ayon kay Wamil, ang mga lagdang ito ay nagsisilbing pag-apruba, sertipikasyon, at pagpapatunay ni Duterte sa nilalaman ng mga naturang dokumento.
- Latest















