‘Di alam sa Pinas na nag-asawa na sa Amerika
Dear Dr. Love,
Isa akong OFW sa Amerika. Dalawang taon na akong hindi umuuwi sa ‘Pinas. Ang totoo ay ikinasal ako sa isang amerikana dahil gusto ko lang sanang magkaroon ng US visa. Hindi alam ng misis ko at mga anak na nag-asawa ako rito. Ito lang ang naisip kong mabilis na solusyon dahil nawalan ako ng trabaho at tinulungan ako ng nakilala kong kana hanggang sa mahulog na ang loob ko sa kanya.
Hindi ko alam kung hanggang saan aabot ang relasyon namin. Hindi ko rin alam kung paano ko ipapaliwanag sa pamilya ko ang desisyon kong ito, na kaya ko lang nagawa ay para rin sa kanila. At para madali ko silang madala rito sa Amerika.
Maghihintay ako kung kailan ako i-divorce ng misis kong kana, pero at least ay green card holder na ako, na iyon lang naman ang habol ko. Pero nakokonsensya ako, wala naman akong magawa dahil napasubo na ako.
Ano ba ang dapat kong gawin?
Marcelo
Dear Marcelo,
Ang pagkakaroon ng dalawang asawa (isa sa Pilipinas at isa sa Amerika) ay maaaring magdulot ng kaso ng bigamy. Maaaring makaapekto ito sa iyong status sa parehong bansa at magdulot ng problema sa iyong visa o permanent residency.
Bago pa malaman ng pamilya mo sa Pilipinas, mas mainam na ikaw mismo ang magpaliwanag kaysa ibang tao pa ang magbunyag. Kung tunay na nahulog ang loob mo sa kana, kailangan mong maging tapat.
Ang kasal ay hindi lang papeles; ito ay relasyon na nanga-
ngailangan ng ho-
nesty. Kumunsulta ka sa abogado. Kailangan mong malinawan sa legal na implikasyon ng sitwasyon mo sa parehong bansa.
Maging tapat ka rin sa sarili. Tanungin mo kung ano ba talaga ang gusto mo: pamilya mo sa Pilipinas, o bagong buhay sa Amerika.
Hindi mo kailangang magdesisyon nang biglaan, pero huwag mo ring hayaang lumala pa ang sitwasyon. Ang konsensya mo ay senyales na alam mong may mali at ang unang hakbang ay ang pagharap dito ng tapat.
Mahirap, pero mas mabuti ang katotoha-nan kaysa sa patuloy na pagtatago.
Dr. Love
- Latest




















