May iba si mister
Dear Dr. Love
Tawagin mo na lang akong Amla, 27-anyos at may problema sa asawa. Dalawa ang aming anak at noong unang apat na taon ay maligaya kami. Magiliw siya sa akin at sa aming mga anak. Wala na akong hahanapin pa sa kanya dahil nasa kanya ang katangian ng ulirang asawa.
Pero bigla siyang nagbago. Hindi ko alam kung bakit. Hindi naman ako nagkukulang bilang asawa. Maayos naman ako sa sarili at maalaga sa aming mga anak at maging sa bahay.
Biglang-bigla talaga ang pagbabago niya. Lagi na lang siyang umuuwi nang late at kung minsan, kinabukasan na siya umuuwi. Mayroon pala siyang iba.
Nalaman ko ito sa aking kaibigan na nakakita sa mister ko na may kaakbay na iba sa isang mall. Napakasakit malaman nito. Nagsimula ang pagbabago niya noon pang isang taon.
Kapag tinatanong ko siya, lagi niyang sinasabing nag-o-overtime siya. Ayaw ko siyang sitahin dahil baka magalit. Ayaw ko ring malaman ang totoo mula mismo sa kanya dahil masakit at baka hindi ko makaya.
Ano ang dapat kong gawin?
Amla
Dear Amla,
Kausapin mo siya ng masinsinan para malunasan ang pinag-ugatan ng kanyang pangangaliwa sa iyo.
Walang mangyayari sa pagsasawalang-kibo at pagkukunwaring walang problemang nangyayari.
Relasyon ninyong mag-asawa ‘yan at kailangang kumilos ka para masagip sa peligro ng pagkawasak. Ang katotohanan ay talagang masakit. Pero hindi puwedeng magkunwari ka na lang habambuhay na walang nangyayaring problema.
Parang sakit na cancer ‘yan. Dahil sa denial, ayaw mong kumonsulta at magpagamot sa doktor. Pero kahit pa cancer, may nakalaang lunas kung gagamutin nang maaga. Sa kaso ninyo, may panahon pa para maresolba ang problema ng inyong relasyon. Mag-usap kayo at hanapan ito ng solusyon. Walang ibang makakalutas n’yan kundi kayong dalawa lang.
Dr. Love
- Latest
















