EDITORYAL - Patas na proseso para sa katotohanan
GAGANAPIN sa Hulyo 6 ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte. Ang Senado ang magsisilbing impeachment court laban sa Vice President. Ang mga paratang kay Sara ay mabigat: mula sa daan-daang milyong pisong kuwestiyunableng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, hanggang sa akusasyon ng pag-udyok sa asasinasyon sa pamilya Marcos at kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa kabila nito, hindi pa man inuumpisahan ang paglilitis sa ikalawang pinakamataas na pinuno ng bansa, hinuhusgahan na ng taumbayan kung karapat-dapat bang maging presiding officer si Sen. Chiz Escudero. Sa papel, si Escudero ang pinakakuwalipikadong mambabatas.
Ayon kay Rep. Paolo Ortega, malaking kalamangan dahil si Escudero mismo ang sumulat ng impeachment rules ng Senado. Isa siyang abogado.
Kahit ang House lead prosecutor na si Rep. Gerville Luistro ay hinihiling sa publiko na bigyan si Escudero ng pantay na benefit of the doubt. Para sa mga kritiko, ang galing ni Escudero ang dahilan kaya tinawag siyang “most dangerous figure” sa Senado.
Hindi pa nakakalimutan ng mamamayan ang ginawa ni Escudero noong 2025. Nang ipasa ang unang reklamo laban kay Sara, malinaw ang utos ng Konstitusyon: litisin ng Senado ang kaso “forthwith” o “agad-agad” at walang pagkaantala. Ngunit gamit ang kakaibang interpretasyon sa salitang ito, pinatulog nang mahimbing ni Escudero ang nasabing kaso.
Ito ang dahilan kaya nagsalita na rin si dating Supreme Court Justice Antonio Carpio. Ayon kay Carpio, ang naganap noon ay isang malinaw na taktika upang antalahin ang pagpapanagot. Nagbabala si Carpio na hindi dapat ibasura ng Senado ang kaso gamit lamang ang teknikalidad.
Ang matinding hamon na kinakaharap ngayon ni Escudero ay patunayang mali ang kanyang mga kritiko. Ang kanyang tunay na tungkulin ay hindi upang humanap ng “butas sa batas” para sa nasasakdal, kundi ang tiyakin na patas ang proseso para sa katotohanan.
Ang pagiging presiding officer ay nangangailangan ng higit pa sa talino sa batas, kailangan nito ng delikadesa.
Kung gagamitin muli ni Escudero ang kanyang husay para magpalusot, hindi lamang ang nasasakdal ang makaiiwas sa pananagutan; ang kredibilidad ng buong Senado ay masisira. Maaring mawasak ang institusyon na kababangon lamang mula sa pagkakasubsob dahil sa pagpapalit-palit ng liderato.
- Latest


















