^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Kredibilidad ng Senado bilang impeachment court

Pilipino Star Ngayon

SA Hulyo 6, uupo muli ang Senado bilang impeachment court upang litisin si Vice Pre­si­dent Sara Duterte. Ang mga paratang laban sa kanya ay masyadong mabigat: mula sa daan-daang milyong pisong kuwestiyunableng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, hanggang sa akusasyon ng pag-udyok sa asa­sinasyon laban sa pamilya Marcos at kay dating House Speaker Martin Romualdez.

Bago pa man magsimula ang paglilitis­, hinu­husgahan na ng taumbayan kung karapat-dapat bang maging presiding officer si Sen. Chiz Escudero. Sa papel, si Escudero ang pinakaku­walipikadong mambabatas.

Ayon kay Rep. Paolo Ortega, malaking kalamangan dahil si Escudero mismo ang sumulat ng impeachment rules ng Senado. Isa siyang abogado. Wala pang kasaysayan sa bansa na pinamunuan ng isang hindi abogado ang nasabing hukuman.

Kahit ang lead prosecutor ng Kamara na si Rep. Gerville Luistro ay hinihiling sa publiko na bigyan si Escudero ng pantay na benefit of the doubt. Subalit, ang husay sa batas ay isang patalim na may dalawang talim. Para sa mga kritiko, ang galing ni Escudero ang mismong dahilan kaya tinawag siyang “most dangerous figure” sa Senado.

Hindi pa nakakalimutan ng taumbayan ang ginawa ni Escudero noong 2025. Nang ipasa ang unang reklamo laban kay VP Sara, malinaw ang utos ng Konstitusyon: litisin ng Senado ang kaso “forthwith” o “agad-agad” nang walang pagkaantala. Ngunit gamit ang kakaibang interpretasyon sa salitang ito, nagawang patulugin ni Escudero ang nasabing kaso.

Ito ang dahilan kaya nagsalita na rin si dating­ Supreme Court Justice Antonio Carpio­. Ayon sa mahistrado, ang naganap noon ay isang ma­li­naw na taktika upang i-delay ang pagpapanagot. Binalaan niya na hindi dapat ibasura ng Senado ang kaso gamit lamang ang teknikalidad.

Ang matinding hamon ngayon kay Escudero ay patunayang mali ang kanyang mga kritiko. Ang kanyang tunay na tungkulin ay hindi upang humanap ng butas sa batas para sa nasasakdal, kundi tiyakin na patas ang proseso para sa kato­tohanan.

Ang pagiging presiding officer ay nanganga­ilangan ng higit pa sa talino sa batas, kailangan nito ng delikadesa.

Kung gagamitin muli ni Escudero ang kanyang husay para magpalusot, hindi lamang ang nasasakdal ang makaiiwas sa pananagutan; ang kredibilidad ng buong Senado ay tuluyang masisira. Mawawasak ito. Huwag sanang mang­yari ito.

IMPEACHMENT

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with