Flood control probe sa Hunyo 16 ‘di kikilalanin
MANILA, Philippines — Hindi kikilalanin ng Senado ang napaulat na gagawing pagdinig ng minority bloc ngayong Martes, Hunyo 16, ayon kay acting Senate President Win Gatchalian.
SInabi ni Gatchalian na anumang pagdinig o imbestigasyon na isasagawa sa labas ng itinakdang Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Erwin Tulfo ay walang legal na bigat o awtoridad ng institusyon.
“Iisa lamang ang kinikilala ng Senado na Blue Ribbon Committee, ang pinamumunuan ni Senador Erwin Tulfo. Anumang pagdinig o imbestigasyon na isinasagawa sa labas ng komiteng ito ay walang legal na katayuan, walang institusyonal na awtoridad, at hindi kikilalanin ng Senado,” sabi ni Gatchalian.
Nauna nang inanunsiyo ni dating congressman Mike Defensor sa kanyang social media account na tuloy ang pagdinig ng ‘Blue Ribbon Committee’ ngayong June 16, sa Doublegem Edsa Garden Events Place sa ganap na alas-10 ng umaga.
Paliwanag ni Gatchalian na ang imbestigasyon at pagpapanagot sa mga nagkasala ay seryosong gawain at nararapat sa isang maayos, lehitimo, at itinakdang forum.
Inulit din niya ang kanyang panawagan sa lahat ng mga witness at resource person na humarap at magpatotoo sa harap ng opisyal na komite ng Blue Ribbon.
“Nakatuon ang Senado sa tunay na pag-iimbestiga at pag-uusig sa katiwalian sa tamang paraan at sa tamang forum. Iyan ang aming pangako sa sambayanang Pilipino,” sabi ni Gatchalian.
Sa anunsiyo ni Defensor, haharap umano sa pagdinig ang sinasabing 18 “Maleta Boys” at may madadagdag pa na 14.
- Latest




















