Higit 25 testigo magdidiin kay VP Sara

MANILA, Philippines — Asahan na lalampas sa 25 ang mga testigong ihaharap ng prosecution panel matapos matuklasan ang umano’y paglobo ng kayamanan, kabilang ang mga ari-arian nina Vice Pres. Sara Duterte at ng kanyang asawa na si Atty. Manases Carpio, kaugnay ng nalalapit na paglilitis sa Senate Impeachment Court.
Ayon kay Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon, miyembro ng prosecution team, ang mga testigong ito ang magdidiin sa mag-asawang Duterte-Carpio sa apat na Articles of Impeachment na inihain ng Kamara.
“May mga lumutang na bagong ebidensya, kaya madadagdagan ang ating mga witness,” pahayag ni Ridon, na nagsabing ipatatawag nila ang mga opisyal ng mga ahensiya ng gobyerno na may hawak ng rekord ng mga ari-arian ng mag-asawa na hindi naideklara sa kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Aniya, “May mga pag-aari ang Pangalawang Pangulo at ang kanyang asawa na nakatala sa listahan ng ilang ahensiya ng gobyerno, ngunit hindi ito nakasaad sa kanilang SALN submissions mula 2007 hanggang 2024.”
Nakasaad na sa Land Transportation Office (LTO) nakarehistro ang mga sasakyan ng mag-asawa, habang sa Land Registration Authority (LRA) naman matatagpuan ang rekord ng kanilang mga lupa. Bukod sa mga opisyal ng mga ahensiya, ipatatawag din ng prosecution team ang mga dating may-ari ng naturang mga ari-arian upang ipaliwanag kung paano ito nabili ng mag-asawang Duterte-Carpio.
Kumpiyansa si Ridon na tatanggapin ng Impeachment Court ang karagdagang ebidensya, kahit hindi ito natalakay sa pagdinig ng House Committee on Justice na pinamumunuan ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, lead prosecutor.
“Wala pong nagbabawal sa prosecution panel na maglatag ng bagong ebidensya hanggang sa pretrial proceedings,” giit ni Ridon, na naniniwalang makatutulong ito sa pagpapatibay ng Articles of Impeachment. Sakaling mapatunayang guilty si VP Sara, maaari siyang mapatalsik sa puwesto at maharap sa ‘perpetual disqualification from public office.’
- Latest


















