Hirit ni Sara walang sustansiya, trial ilarga!
MANILA, Philippines — Wala umanong sustansiya o nakapaloob na mahalagang usapin sa sagot ni Vice President Sara Duterte na kailangan ng masusing tugon kaya sa halip na magsumite ng Reply ay naghain na lamang ng manifestation ang 11-member ng House Prosecution Panel sa Senado.
Isinumite ni House Secretary General Cheloy Garafil ang manifestation sa Senado at tinanggap naman ito ni Senate Secretary General Renato Bantug. Nabigyan na rin ng kopya ang Office of the Vice President at ang Fortun Narvasa & Salazar law firm.
Sa 5-pahinang dokumento, ipinaliwanag ng prosekusyon na muling nakatuon ang sagot ng Bise Presidente sa mga usaping procedural, hurisdiksiyonal, at konstitusyonal sa harap ng Senate impeachment court, sa halip na maglahad ng mga katotohanan upang suportahan ang kanyang pangkalahatang pagtanggi sa mga paratang.
Hindi aniya direktang sinagot ng bise presidente ang alinman sa mga alegasyong ito at hindi rin niya ipinaliwanag kung bakit hindi siya dapat managot sa mga kasong impeachable offense. Napansin din ng prosekusyon na sa bawat artikulo ng impeachment, hindi nagbigay si Duterte ng sarili niyang bersyon ng mga pangyayari o anumang paliwanag hinggil sa mga kuwestiyonableng transaksyon, kabilang ang umano’y hindi pagdedeklara ng cash on hand sa kanyang SALN.
Dahil sa kakulangan ng kontra-ebidensiya sa kanyang sagot, sinabi ng House prosecutors na tila layunin ng VP na maibasura agad ang kaso bago pa man marinig ng Senate impeachment court ang mga ebidensya. Iginiit ng prosekusyon na walang probisyon sa Konstitusyon o sa Senate Rules on Impeachment Trials na nagpapahintulot sa agarang pagbabasura ng isang impeachment case bago magsimula ang paglilitis. Ang tanging kinikilalang paraan upang matapos ang isang impeachment proceeding ay sa pamamagitan ng pagpapawalang-sala (acquittal) ng impeachment court matapos ang buong pagdinig at pagsusuri ng ebidensiya.
Hinikayat naman ng prosecution panel ang Senate impeachment court na ituloy na ang paglilitis at ang karagdagang pagsusumite ng mga pleadings at dokumento ay magdudulot lamang ng pagkaantala sa prosesong inaatasan ng Konstitusyon na isagawa “agad” o forthwith.
- Latest















