Sara trial uusad sa Gatchalian leadership

MANILA, Philippines — Inaasahan ng Kamara na hindi maaantala ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa kabila ng sigalot sa Senado, matapos kilalanin ang pamumuno ni acting Senate President Sherwin Gatchalian.
Ayon kay Deputy Speaker Paolo Ortega, natapos na ng Kamara ang kanilang konstitusyonal na tungkulin sa impeachment at hinihintay na lamang ang Senado na magsimula ng paglilitis.
“Kami po kasi sa Kongreso, halos tapos na po. Natapos na namin ‘yung mga obligasyon namin, ‘yung trabaho namin ‘yung sa impeachment,” ani Ortega.
“Gusto namin talaga ma-resolve na nila ‘yung internal issues nila kasi ‘yung malaking question mark noong 19th Congress pa saka nitong 20th Congress eh ‘yung trial po na maumpisahan na.”
Binanggit din niya na mataas ang interes ng publiko sa impeachment. “Actually ‘yung sentiment survey nga namin dito sa locality—more than 86% nagtatanong kailan mag-uumpisa ang impeachment.”
Dagdag pa ni Ortega, hindi dapat maging hadlang ang banggaan ng mga kampo nina Gatchalian at Cayetano sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
“Pag binabasa mo ‘yung sitwasyon, parang may cause of smokescreen, parang may cause of delay. Pero hindi po pwedeng maging rason o kahit anong cause ng pagkaantala na hindi po matuloy ang impeachment.”
Iginiit ni Ortega na mahalagang masagot ang mga tanong ng taumbayan hinggil sa mga alegasyon laban sa bise presidente, anuman ang magiging hatol ng Senado.
Itinakda ang impeachment trial sa Hulyo 6.
- Latest






















