Mr. President, special session na!
Hindi na dapat magtagal pa ang krisis sa Senado. Habang nagtatalo ang magkabilang paksyon tungkol sa quorum, liderato, at legalidad, ang tunay na talo ay ang sambayanang Pilipino. Naiiwan ang mahahalagang panukalang batas, natatabunan ang mga usaping dapat tugunan, at lalong bumababa ang tiwala ng publiko sa isang institusyong inaasahang manguna sa paghahanap ng solusyon sa mga problema ng bansa.
Marami ang nagtatanong kung bakit naniniwala akong may quorum ang sesyong isinagawa ng bagong mayorya. Ang sagot ko ay nakabatay sa aking pagbasa ng Avelino v. Cuenco. Sa kasong iyon, kinilala na sa pagtukoy ng quorum, mahalagang isaalang-alang kung sinu-sino ang nasa loob ng hurisdiksyon at coercive power ng Senado at kung sinu-sino ang maaari pang piliting dumalo upang bumuo ng sesyon.
Sa kasalukuyang sitwasyon, may 24 senador ang Republika ngunit may dalawang senador na, sa praktikal na realidad, ay wala sa abot ng coercive powers ng Senado. Ang isa ay nakakulong at nasa kustodiya ng ibang awtoridad, habang ang isa naman ay hindi nagpapakita at hindi malinaw kung nasaan. Kung susundin ang lohika ng Avelino, maaaring ituring na 22 ang effective membership. At kung 22 ang batayan, 12 ang mayorya. Kaya para sa akin, may sapat na legal na argumento kung bakit nakapagpatuloy sa sesyon ang 12 senador at kung bakit hindi dapat maparalisa ang Senado habang may mga nakabimbing trabaho para sa bayan.
Ngunit mahalagang linawin na ang quorum upang makapagtrabaho ang Senado ay iba sa bilang na kailangan upang maghalal ng bagong Senate President. Maaaring may quorum upang magsagawa ng mga pagdinig, magtalakay ng mga panukalang batas, at ipagpatuloy ang mga opisyal na gawain ng Senado. Ngunit para tuluyang resolbahin ang usapin ng liderato, kailangan ang malinaw na mayorya ng Senado—13 boto.
Kaya para sa akin, tapos na dapat ang debate sa media. Tapos na dapat ang mga press conference at palitan ng interpretasyon. Kung naniniwala ang bawat kampo na nasa kanila ang mayorya, may isang simpleng paraan upang patunayan ito: magharap-harap sa isang special session at hayaang ang Senado mismo ang magpasya.
Bilang isang Global Affairs and Political Analyst, naniniwala akong hindi pa tapos ang realignment sa Senado. Sa aking pagsusuri sa mga galaw at umiiral na dinamika sa loob ng institusyon, may posibilidad na may isa pang senador na sumama sa panig ng bagong mayorya kapag dumating ang aktuwal na botohan. Kapag nangyari iyon, ang kasalukuyang 12 ay magiging 13—ang numerong kailangan upang tuluyang resolbahin ang usapin ng liderato at magbigay ng malinaw na direksyon sa Senado.
Ito ang dahilan kung bakit para sa akin, ang special session ang tunay na sandali ng katotohanan. Doon mawawala ang lahat ng haka-haka. Doon malalaman kung sino talaga ang may numero. At kung tama ang aking basa sa pulitika ng Senado, maaaring ibang Senado na ang makita natin pagkatapos ng botohang iyon.
Kaya ito ang aking panawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.: Mr. President, special session na. Hayaan ninyong magharap ang magkabilang paksyon. Hayaan ninyong matapos ang mga espekulasyon. Hayaan ninyong makita ng sambayanang Pilipino kung sino talaga ang mayorya. Dahil sa huli, hindi press release, hindi social media, at hindi ingay ang magpapasya kung sino ang tunay na mayorya. Ang magpapasya ay ang bilang. At sa Senado, ang bilang ang pinakamataas na hukom.
- Latest















