Imago (4)
SA gitna ng dilim ng hotel room, ang tanging liwanag ay nagmumula sa screen ng laptop ni Maya. Nanginginig ang kaniyang hinlalaki habang iniisa-isa ang mga litrato na kanyang mga nakunan. Nilaktawan niya ang mga kuha sa Japan, ang mga templo, ang mga cherry blossoms, hanggang sa marating niya ang mga naka-archive na folder ng mga litrato mula sa sampung taon na ang nakararaan. Lumabas sa screen ang mukha ni Mina.
Kinuha ang larawang iyon sa isang coffee shop, ilang oras bago ito tuluyang maglaho. Sa larawang iyon, habang nakatingin si Mina sa labas ng bintana, napansin ni Maya ang isang bagay na pinalampas niya noon.
Malungkot ang mga mata ng kaniyang kakambal. May hawak itong kapirasong papel, at sa ‘di-kalayuan sa labas ng bintana, may anino ng isang lalaking nakatayo sa ilalim ng ulan. Hindi malinaw ang mukha ng lalaki, ngunit ang tindig nito ay tila pamilyar.
Tinanong niya noon ang kakambal kung kilala ba niya ito. Ang tanging sagot ni Mina ay isang pilit na ngiti. “Isang tagahanga lang, Ate. Interesado siya sa mga kuwento ko.”
Iyon ang huling beses na narinig niya ang boses ng kapatid.
Isinara ni Maya ang laptop tila ba napaso siya sa hawak. Ang lalaki sa ulan, ang pintor ng “IMAGO” at ang estrangherong bumulong sa kaniya sa museo... iisa lang ba sila? Ang takot na sampung taon niyang ibinaon ay muling nabuhay, mas matalim, at mas malapit sa kaniya ngayon. (Itutuloy)
- Latest




















