EDITORYAL — Higpitan, mga naliligo sa baha na may ihi ng daga
NOONG Lunes ng gabi umulan nang malakas sa Metro Manila at sa isang iglap, bumaha agad sa mga mabababang lugar. Bumaha sa tunnel sa Quezon Avenue, bahagi ng Biak na Bato sa Sto. Domingo at sa España Blvd. Bagamat hindi pa opisyal na dinideklara ng PAGASA ang panahon ng tag-ulan, nakikita na ang mga senyales na papalapit na ang tag-ulan. Nagbabadya na.
Dahil sa ilang oras na pag-ulan, Naging malaking swimming pool na naman ang maraming kalsada, underpass, at ang mga estero na maraming basura. Nang humupa ang baha, natambad ang mga plastic na basura. Ang mga basurang ito ang dahilan ng baha. Bumabara sa daluyan ng tubig.
Marumi ang baha sapagkat nakahalo rito ang dumi at ihi ng iba’t ibang hayop at maski tao. Pero hindi na ito gaanong binibigyang pansin ng mga tao lalo na ang mga papasok sa trabaho para maghanapbuhay. Kailangang lumusong sa baha para kumita at may maitustos sa pangangailangan ng pamilya. Kahit hanggang baywang ang tubig, lulusong para makarating sa pinagtatrabahuhan.
Ang ganitong aksiyon ay maliwanag na may dahilan kaya lumusong sa baha. Pero ang lumusong para mag-swimming, maglaro o kaya’y para magyabang lang, mahigpit na itong ipinagbabawal. Bawal nang lumusong sa baha particular ang mga bata para mag-swimming o kaya’y maglaro, ganundin naman ang iba pang indibidwal.
Noong 2024, inilabas ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang Regulation 24-003 na nagbabawal sa mga bata at matatanda na mag-swimming, maglaro at iba pang aktibidad sa baha na ang layunin ay maglibang. Hindi kasama sa regulasyon ang mga lumusong sa baha para maghanapbuhay o ang mga may kinalaman sa pag-rescue ng mga naiipit sa baha.
Ayon sa MMDA, papatawan ng P2,000 na multa ang mga magulang ng batang magsu-swimming sa baha. Ito ay para malaman ng mga magulang na lubhang delikado ang pagligo sa baha sapagkat nakukuha rito ang mga sakit, partikular ang leptospirosis.
Nang bumaha dahil sa pananalasa ng Bagyong Carina noong 2024, maraming tinamaan ng leptospirosis. Maraming na-confine sa National Kidney Institute Hospital at San Lazaro Hospital. Kinailangang gamitin ang gym para matanggap ang mga may lepto. Kinulang ng mga doktor dahil sa pagdagsa ng mga pasyente.
Ipatupad ng MMDA at LGUs ang pagbabawal sa paliligo sa baha lalo ang mga bata. Huwag nang hintayin na maraming mapahamak sa leptospirosis lalo ang mga batang walang kamuwang-muwang na ang pinaglulunuyan ang magdadala sa kanila sa hukay.
- Latest
















