Malaking shabu lab nadiskubre ng PDEA
ITINIMBRE ng Office of the National Narcotics Control Commission of the Ministry of Public Security of China sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pagpasok ng mga chemist ng shabu sa bansa kaya naaresto ang mga ito. Ang mga Chinese na naaresto ay mga miyembro ng Drago Wu Dug Ring na konektado sa Golden Triangle na nag-ooperate sa boarder ng Thailand, Laos at Myanmar. Dahil bitay ang hatol sa China sa drug dealer lumipat ang mga ito patungo sa Pilipinas. Ayon sa PDEA dumating sa bansa ang mga Chinese noong Setyembre at Oktubre 2017 at naghanap ng lugar para sa shabu laboratory. Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino nakatanggap sila ng sumbong mula sa mga residente sa Ibaan, Batangas na may kahina-hinalang mga dayuhan sa kanilang lugar. Kaya sinalakay ng PDEA ang lugar kasama ang National Bureau of Investigation at Philippine National Police ang isang piggery at poultry farm sa Sto. Nino, Ibaan, Batangas.
Pinakamalaking shabu lab ang natungkab ng PDEA dahil may kapasidad itong magluto ng 25 kilos kada araw na nagkakahalaga ng P2.5 milyon. Kung hindi nadiskubre, libong Pinoy na naman ang magiging addict. Nasa aktong nagtitimpla ng shabu at party drug ecstasy ang mga Chinese na sina Hong Dy, Gui Zixing at Tian Baoquan nang sumalakay ang PDEA, NBI at PNP. Minalas naman ang apat nating kababayan na sumawsaw sa malaking pagkakakitaan sa droga kaya habambuhay silang makukulong. Sa halip na tumulong sila sa programa ni Duterte kontra droga, sila ang nagpaalipin sa mga chemist upang maipakalat ang droga sa bansa. Ang apat ay nakilalang sina Eduardo Lorenzo, Rosalio Cesar, Amancio Gallarde at Nestor Baguio na mga trabahor sa shabu lab. Nakatakas ang isang chemist na si Xie Jiansheng pero nadakip din agad siya sa Bgy. Francisco, Tagaytay, Cavite. Nahuli si Jiansheng matapos inguso ng mga residente.
Kahapon ng umaga muling sumalakay ang PDEA sa 3-11D, Dela Cruz Street, Tinajeros, Malabon City at nadiskubre ang laboratoryo ng Ecstacy. Malawak ang compound kaya hindi napapansin ng mga residente. Ngunit dahil sa impormasyong ibinahagi ng China counter part ni Aquino nadiskubre ang laboratoryo. Nakakuha sila ng search warrant mula kay Judge Reynaldo Alhambra ng Manila Regional Trial Court Branch 53. Nahuli ang Chinese na si Jang Ming Chan at Lauro Santiago. Malaking bagay ang mga impormasyon na ibinibigay ng China kaya dapat lamang na palawakin ni Duterte ang pakikipagkaibigan sa China nang masugpo na ang pagkalat ng droga sa ating bansa. Higpitan pa ng PDEA at iba pang law enforcers ang pagbabantay para walang makapasok na mga dayuhan na magtatayo ng shabu lab.
- Latest