Curry out na sa Warriors vs Spurs
OAKLAND, California — Bubuksan ng Golden State Warriors ang first round ng NBA Playoffs bukas (Manila time) sa pagsagupa sa San Antonio Spurs nang wala si star Stephen Curry.
Sa unang pagkakataon matapos hirangin si Steve Kerr bilang head coach noong 2014-2015 ay papasok ang Warriors sa playoffs na hindi bitbit ang best record.
Ang Golden State ang second seed sa Western Conference sa ilalim ng No. 1 Houston Rockets, makakatapat ang Minnesota Timberwolves.
Ang knee injury kay Curry ang bumawas sa isa sa mga attacking weapons ng Warriors sa pagharap sa Spurs.
Naisuko ng Golden State ang 10 sa kanilang huling 17 laro kabilang ang 79-119 pagyukod sa Utah Jazz sa pagtatapos ng regular season noong Martes.
“We won 58 games this season,” sabi ni Kerr. “But in the end, none of that matters. It’s what you do in the playoffs. That’s the test. That’s the challenge. We’ll see what happens.”
Sa pagkawala ni Curry ay sasandalan ng Warriors sina Kevin Durant, Klay Thompson at Draymond Green.
Sa Toronto, bubuksan ng Eastern Conference top seed na Raptors ang first round laban sa Washington Wizards habang makakatapat ng Philadelphia 76ers--tinapos ang regular season sa pamamagitan ng 16-game winning streak -- ang Miami Heat.
Lalabanan naman ng Cavaliers, hangad muling makabalik sa NBA Finals, ang Indiana Pacers sa Cleveland.
Sa paghahanda sa playoffs ay pansamantalang mananahimik si James sa social media.
Sa iba pang playoffs, haharapin ng Portland Trail Blazers ang New Orleans Hornets, lalabanan ng Boston Celtics ang Milwaukee Bucks at makakatapat ng Oklahoma City Thunder ang Utah Jazz.
Sa Washington, pinalakas ng Wizards ang kanilang backcourt matapos kunin si free agent guard Ty Lawson para sa first-round playoff series nila ng No. 1 seed Toronto Raptors.
Ito ang inihayag ng Wizards isang araw matapos wakasan ang regular season sa pamamagitan ng 92-101 kabiguan sa Orlando Magic at upuan ang No. 8 spot sa Eastern Conference.
- Latest