Sigurado, hindi lang siguro
ANG kalituhang namamayani sa mga ahensiyang nangangasiwa sa seguridad ng pagkain ay salamin din ng mismong kalituhan sa mga polisiyang ipinapatupad nito. Naging palaisipan kamakailan ang isyu ng kung paano mapunuan ang kakulangan sa buffer stock ng National Food Authority (NFA).
May kautusan ang batas na dapat ay laging may minimum stock ng bigas na nakaabang sa mga bodega ng NFA. Para bang emergency protection ito sakaling magkaubusan ng bigas sa lipunan. Ito ang naging ugat ng kontrobersiya na kinailangang solusyonan ni Pangulong Digong. Ayon sa mismong administrador ng NFA, tanging ang pag-angkat ang sagot upang mapunan ang kakulangan. Ang sagot naman ng NFA Council, ang mismong board na siyang pumapangibabaw sa administrador, ay wala namang kakulangan. Guniguni lang daw ito. May pasaring pa sila na kung may kakulangan, dapat lang ito isisi sa pamamalakad ng administrador. At sakaling tutoo na may kulang, hindi pag-angkat ang sagot. Dapat ay bumili na lang ng direkta sa mga lokal na magsasaka. Kaya hindi pinayagan ng Council ang mungkahing pag-angkat.
Kapag ganitong nagbabangayan ang mga opisyal na dapat ay nagtutulungan, nagiging mahirap para sa bayan ang mapanatag ang kalooban. Kung malala ang maubusan ng pagkain, mas malala ang panic na kasabay ng pagkaubos nito. At dito nagmumula ang mga pananamantalang nauuwi sa katiwalian. Lalo na sa usaping bigas kung saan bilyun-bilyon ang nalalagas sa komisyon at sa padulas.
Hindi na inintay pa ng Pangulo kung sino ang mananalo. Para sa kanya, mabuti na ang sigurado kaysa siguro. Kaya pinanigan nito ang posisyon ng administrador ng NFA at iniutos ang agarang pag-angkat ng bigas. Wala nang usapan.
Mukhang babalasahin ng Pangulo ang komposisyon ng kanyang mga tauhan sa NFA at NFA Council upang laging ito magsalita at mapakinggan na iisang boses ang namamayani. Ano mang istratehiya ang ultimong sundan, ang mahalaga ay maiwasan ang hidwaan sa harap ng publiko na walang naidudulot kung hindi kalituhan at kawalan ng kasiguruhan.
- Latest