Magsilbing babala
NAGSIMULA nang magbawas ng mga empleyado ang mga negosyo sa Boracay, sa pag-asam sa pagsara ng buong isla sa Abril 26. Maraming negosyo ang hindi kayang ibigay ang sahod ng mga empleyado, lalo na’t alam na yata ng buong mundo na isasara ang pinakakilalang isla ng Pilipinas. Nagtitira na lang ng ilang empleyado para alagaan ang mga establisyamento. Pero ganun nga, walang sahod ng anim na buwan ang mga empleyado, dahil sa pagsara.
Hindi naman malinaw kung paano matutulungan ang mga maapektuhang empleyado at negosyo. Ang mungkahi ay bibigyan ng P323.50 kada araw, na minimum wage, pati P500 insurance, ang lahat ng naka-rehistrong empleyado sa Boracay. Pero may mga higit 9,000 empleyado na hindi naman rehistrado. Walang mungkahi para sa kanila sa ngayon. Wala ring sinasabi sa mga negosyong maapektuhan, lalo ang mga humiram sa banko.
Kawawa nga naman ang mga maaapektuhan sa pagsara ng Boracay. Pero may mga nagsasabi naman na dito talaga mauuwi, dahil nga sa kawalan ng pag-aalaga sa kalikasan ng isla, at kawalan ng kontrol sa pagdami ng mga negosyo, maliit man o malaki. Ang inisip lang talaga ng mga opisyal ay pabayaan ang lahat ng negosyo na kumita, dahil kumikita rin ang lokal na pamahalaan. Ilang beses nang naging isyu ang kalinisan ng Boracay, pero hindi inaksyunan. Ngayon, nangyayari na. Sana lang ay tunay na aayusin ang mga problema ng isla. Mga residente ng Boracay lang daw ang papayagang lumabas-pasok sa isla sa anim na buwan. May mga patnubay na kailangang sundin hinggil sa paglabas at pagpasok sa isla. Walang turistang papayagang magtungo sa isla. May ibibigay na ID para sa mga taga-Boracay lang. Hindi rin puwedeng lumangoy sa dalampasigan ng Boracay. Tingnan na lang natin kung mapapatupad lahat ito.
Hindi ko alam ang mga kilos para patigilin ang pagsara ng Boracay. Kung iaangat sa ligal na paraan at kung ano pa. Pero malinaw na itutuloy ito ng gobyerno. Para sa ibang kilalang destinasyon ng turista sa bansa, magsilbi itong babala. Baka kayo na ang isunod kung hindi aayusin ang pagtatapon ng dumi at basura.
- Latest