Ex-pulis na nakapatay sa 3 magkakaanak, timbog
MANILA, Philippines — Matapos ang 14 na taong pagtatago, nadakip ng mga tauhan ng Caloocan City Police ang isa nilang dating tauhan na wanted sa pagpaslang sa tatlong miyembro ng isang pamilya sa isang away noong 2004, sa naturang lungsod.
Sa pulong-balitaan kahapon, iprinisinta ni Caloocan City Police chief, Sr. Supt. Jemar Modequillo kay Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang suspek na si ex-PO2 Reynaldo De Castro, 53, dating nakatalaga sa Caloocan Mobile Patrol Unit.
Sa ulat, nadakip si De Castro ng mga tauhan ng Caloocan Police-Follow-Up Unit sa pangunguna ni P/Chief Insp. Enrique Torres sa pinagtataguan niya sa may Brgy. Buhangin, Butuan City nitong Enero 19. Armado ang mga pulis ng warrant of arrest buhat sa Caloocan Regional Trial Court Branch 125 sa kasong tatlong bilang ng murder.
Sa rekord ng pulisya, napaslang ng pagbabarilin ni De Castro ang mag-anak na sina Isidro Centeno, Jr., dating tauhan ng Environmental Sanitation Services (ESS) ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, kanyang misis na si Leticia at anak na si Servando, noong Disyembre 24, 2004 sa may Dimasalang Street, Brgy. Maypajo, Caloocan.
Nag-ugat ang gulo nang unang makaaway ng biktimang si Servando ang kapatid ni De Castro na isang pedicab driver sa kanilang pila. Sumugod ang pamilya Centeno sa lugar habang sinaklolohan din ni De Castro ang kapatid hanggang sa pagbabarilin ng suspek ang pamilya Centeno.
Sa halip naman na sumuko, nagtago si De Castro sa Butuan City na lalawigan ng kanyang asawa at saka sumunod ang kanyang pamilya. Sa patuloy na intelligence gathering, nakakuha ng impormasyon ang Caloocan City Police sa pinagtataguan ng suspek buhat sa Butuan City Police Station dahilan para tuluyang madakip si De Castro.
Inamin naman ni De Castro kay Mayor Malapitan ang nagawang krimen at sinabing ipinagtanggol lamang niya ang kanyang sarili nang siya ay mabaril rin sa hita. Nakatakda namang ilipat sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang suspek para kaharapin ang kanyang kaso sa korte.
- Latest