Sunog sa Valenzuela: 100 pamilya naapektuhan
MANILA, Philippines — Nasa 100 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos masunog ang 60 kabahayan, kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City. Ayon kay Arson investigator FO1 Ganer Valler, ng Valenzuela City Bureau of Fire Protection (BPF), alas-10:32 ng gabi nang magsimulang sumiklab ang apoy sa pagawaan ng unan sa Sitio Kabatuhan, Brgy. Gen. T. De Leon ng naturang lungsod.
Mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa nadamay ang kalapit na mga kabahayan na pawang gawa sa light materials kaya mabilis na iniakyat sa 4th alarm ang sunog.
Alas-12:22 kahapon ng madaling araw ay tuluyang naapula ng mga tauhan ng BFP ang apoy. Base sa report, tatlong katao ang napaulat na nagtamo ng minor injuries at hindi na pinabanggit ang mga pangalan nito. Wala naman aniyang nasawing buhay sa insidente at tinatayang nasa P1 milyon halaga ng mga ari-arian ang naabo. Ipinag-utos naman ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian sa mga tauhan ng City Social Welfare Services and City Health Office ang kaagad na pagbibigay ng ayuda sa mga residenteng nasunugan, tulad ng pagkain, inuming tubig, mga damit at iba pa.
- Latest