Coach Tai sa Ateneo pa rin
MANILA, Philippines – Binawi ng Ateneo de Manila University ang una nilang hatol kay Lady Eagles head coach Anusorn Bundit upang manatili sa kanilang koponan.
Kinumpirma ni Ateneo president Fr. Jett Villarin ang pananatili ni Bundit kasunod ng pagpapatalsik sa kaniya dahil sa iba’t ibang isyu.
Naunang sinabi ni team manager Tony Boy Liao na sinibak si Bundit matapos magreklamo ang mga manlalaro ng mahirap na training at kakaunting playing time.
Aniya si athletic director Emmanuel Fernandez ang nagsabi kay Bundit na huwag nang magpakita sa kanilang training simula kahapon.
Nabago ang hatol sa batikang coach matapos ang pagpupulong nina Liao, Fernandez at Ateneo vice president Nemesio Que.
“I would like to inform everyone that coach is still with the team,” pahayag ni Villarin.
“In fact, I just had a meeting with coach Tai and our athletics people this morning. And soon, I will be meeting with our players. I must acknowledge though that there are issues within the team, as in all teams, and these will require some time to be resolved,” dagdag niya.
Nakiusap naman si Villarin sa publiko na iwasang magpakalat ng maling impormasyon lalo na’t pinaghahandaan nila ang UAAP season sa Pebrero.
“I also appeal to your better sense to refrain from any speculations or spreading of falsehood that may besmirch the reputation of our fine players, our good coach, or our school,” patuloy ni Villarin.
“On behalf of Ateneo de Manila, I appeal to your patience and understanding as we try to resolve these internal issues.”
Dalawang titulo ang naibigay ni Bundit sa Ateneo kung saan apat na beses silang pumasok sa Finals.
- Latest