Ibon mang may layang lumipad
ISA na namang magaling at mahusay na lingkod bayan ang nasakripisyo kahapon sa altar ng pulitika. Si Kalihim Judy Taguiwalo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay hayagang ni-reject ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA). Pangatlo na si Sec. Taguiwalo sa mga nominado ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa gabinete na binasura ng CA ang appointment. Maaalalang sina Sec. Perfecto Yasay, Jr. at Regina Lopez ay kapwa ring sinentensyahan.
Sa buwelta ni Sec. Taguiwalo, ang tinukoy niyang dahilan kung bakit siya hinarang ay ang kanyang pagmamatigas sa hiling ng mambabatas tungkol sa kanilang PDAF. Ang patakaran yatang nakasanayan ay itinuturo ng mambabatas sa DSWD kung saan gagastusin ang budget nito.
Maaring maging makatwiran ang ganitong sistema dahil higit na nalalaman ng mga representante ng tao ang mahihirap na lugar sa kanilang distrito. Ang problema, madali rin itong maabuso. Sa huli ay pawang mga botante lamang ng mambabatas ang mapapaboran. Ito ang pamamalakad na hininto ni Sec. Taguiwalo.
Sa unang salta ni Sec. Taguiwalo sa lambingan ng Executive at Legislative branch sa budget hearing ng 2016, maaalalang pumalag ito sa mga hamon ng nambubulyaw na kongresista. Maling mali ang ganitong reaksyon para sa kanyang kagawaran dahil hindi nakakatulong na maaprubahan ang kanyang budget. Sa huli ay nanahimik din siya. Para bang sumang ayon na lamang sa sistema kahit malinaw na labag sa kanyang kalooban. Marami ang humanga sa kanyang paninindigan at nanghinayang sa nangyaring pagsuko.
Higit pa ang humanga ngayon kay Sec. Taguiwalo dahil sa itinagal nitong isang taon sa trabaho ay pawang kabutihan ang nagawa ng DSWD. At pinanindigan din nito ang kanyang pagpatigil sa kalakaran. Nasipa man siya, napangatawanan naman ang kanyang paniwala.
Ngayon ay malaya na siyang tanggalin ang busal ng pananahimik at sabihin na ang tunay na nilalaman ng kanyang damdamin. Sa ganitong paraan ay maipagpapatuloy niya ang serbisyo sa bayan na biglaang inalis sa kanyang mga kamay. Mabuhay ka Sec. Judy Taguiwalo.
- Latest