Lookout bulletin sa 7 sangkot sa P6.4 bilyon shabu sa Customs
MANILA, Philippines - Habang dinidinig ang usapin sa Senado at Kamara tungkol sa pagpuslit ng P6.4 bilyong shabu sa Bureau of Customs ay nagpalabas ng look-out bulletin ang Department of Justice (DOJ) laban sa pitong katao.
Sa apat na pahinang memorandum na pirmado ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre, kasama sa mga inilagay sa lookout bulletin ng Bureau of Immigration sina Richard Tan, alyas “Richard Chen o Chen Yu Long” at Ken Joo Lung, may-ari ng warehouse sa Valenzuela City kung saan nasamsam ang shabu shipment; Kenneth Dong alyas Dong Yi Shen Xi, ang sinasabing middleman para kay Richard Tan; at Fidel Dee, consignee ng iligal na droga.
Kasama rin dito sina Jhu Ming-Jyun at Chen Min, mga Taiwanese nationals na umupa ng warehouse; Mark Ruben Taguba, private customs broker; at Larribert Hilario, ang hepe ng BOC Risk Management Office.
Si Dee ang sinasabi ring caretaker ng shabu shipment na nasamsam ng BOC, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at National Bureau of Investigation. Habang si Hilario naman ang itinuturong responsable kaya hindi na-encode sa computer system ng BOC ang shabu shipment.
Inilabas ang lookout bulletin dahil sa posibleng magtangkang lumabas umano ng bansa ang mga personalidad dahil sa bigat ng maaaring kaharapin nilang mga kaso batay sa naging panawagan ni Senador Richard Gordon.
- Latest