60 Kabahayan naabo sa sunog
MANILA, Philippines - Umaabot sa 60 kabahayan ang tinupok ng apoy sa delubyo ng anim na oras na sunog sa lungsod ng Pasay kahapon ng madaling araw.
Ayon sa report ng Pasay City Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog alas-10:04 kamakalawa ng gabi sa bahay ni Randy Punzalan, ng Apelo Cruz St., Brgy. 157, Zone 16, Malibay ng naturang siyudad. Dahil gawa sa mahihinang uri ng materyales mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa natupok ang may 60 kabahayan.
Nabatid na umabot sa ikalimang alarma ang sunog at bandang alas-6:35 kahapon ng umaga idineklarang under control at tuluyan itong naapula alas-7:50 ng umaga. Wala namang napaulat na nasawi at nasugatan sa naturang sunog at aabot sa P200,000.00 napinsalang mga ari-arian.
- Latest