Lider ng drug group, 2 pa timbog
MANILA, Philippines – Nalansag ng mga awtoridad ang isang sindikato ng droga matapos na masakote ang lider ng drug group at dalawa nitong tauhan sa isinagawang magkakahiwalay na buy bust operations sa Brgy. Ibabang Dupay, Lucena City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasakoteng suspek na si Jose Manlugon Jr., alyas Cuatog at Mark Anthony Millabas, alyas Macmac.
Sa ulat na tinanggap kahapon ni PNP Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Acting Director P/Chief Supt. Roel Obusan, magkasunod na isinagawa ang operasyon dakong ala-1 at alas -2 ng hapon.
Nasamsam mula kina Manlugon at Villabas ang apat na gramo ng shabu habang nakuha naman sa follow-up operasyon kay Llanes ang lima pang gramo ng shabu na ibinenta ng mga ito sa isang poseur buyer ng mga awtoridad.
Sinabi ni Sr. Supt. Rex Anongos, 4th Acting Regional CIDG Regional Chief na si Llanes ang lider ng ‘Llanes drug group’ na nag-ooperate sa nasabing barangays at iba pang lugar sa lungsod ng Lucena habang sina Manlugon at Millabas ang mga miyembro naman ng naturang sindikato ng droga.
Nabatid pa na si Llanes ay ikinanta ng dalawa nitong mga tauhan matapos na makorner ng mga awtoridad.
Ang tatlo ay kinasuhan ng paglabag sa Republic Act (RA) 9165 ( Comprehensive Dangerous Drugs Act ).
- Latest