Huli sa CCTV: 9 na ‘akyat-bahay’ na parak, sinibak
MANILA, Philippines - Siyam na tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs unit ng Caloocan City Police ang sinibak sa pwesto dahil sa pagkakasangkot sa insidente ng pagnanakaw gamit pa ang sasakyan ng pulisya na nakunan ng video footage, kamakailan.
Bagamat hindi muna ibinunyag ang pangalan ng mga dawit na parak agad namang ipinag-utos ni Northern Police District (NPD) Director, Sr. Supt. Roberto Fajardo ang “relief order” laban sa mga ito. Inatasan ni Fajardo si Caloocan City Police chief, Sr. Supt. Johnson Almazan na tanggalan ng badge at kumpiskahin ang mga baril ng kanyang mga tauhan.
Ito ay makaraan na ipalabas ng television news ang footage ng CCTV camera sa naganap na panloloob ng ilang armadong lalaki sa bahay ng isang Emilia Calanday sa may Bo. Sto. Niño, Brgy. 187 Tala. Ayon kay Calanday, bigla na lamang silang pinasok ng mga salarin at tinangay ang mga mahahalagang gamit saka tumakas.
Sa video, sumakay ang mga salarin sa isang Toyota Innova na may plakang JNU-434 na nang isailalim sa berepikasyon ay natuklasan na nakaisyu sa Caloocan North Extension Office- SAID. Sa “dispatch book” ng istasyon, tumugma ang pag-alis ng siyam na tauhan ng SAID sakay ng naturang behikulo sa oras kung kailan naganap ang nakawan.
“Nadismaya ako habang pinapanood ang video. Hindi ko tino-tolerate ang mga iskalawag sa NPD,” ani Fajardo. Idinagdag pa nito na inilalantad nila sa publiko ang insidente upang mahikayat ang taumbayan na mas mag-ulat pa laban sa mga bugok na mga pulis na hindi umano kinukunsinti ng kanilang pamunuan.
- Latest