Bangka lumubog: 2 nalunod, 1 pulis nawawala
MANILA, Philippines – Dalawang civilian agents ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang namatay habang isa namang pulis ang nawawala makaraang lumubog ang sinasakyang pampasaherong bangka na sinasabing binalya ng malakas na alon dulot ng bagyong Marce sa karagatan ng Barangay Mapid sa bayan ng Lagonoy, Camarines Sur noong Biyernes ng umaga.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Walfredo Pornillos na isinumite sa Camp Crame, kinilala ang dalawa na sina Tomas Rentoy VII at Isagani Dadis habang patuloy naman ang search operations sa nawawalang si SPO4 Edwin Pagao.
Ayon sa ulat, bandang alas-9:35 ng umaga nang sumakay ng bangka ang 14 CIDG team at mga civilian agents sa Tinambac port para magtungo sa bayan ng Gachitorena matapos na makatanggap ng impormasyon na namataan ang presensya ng mga drug pusher na kanilang tinutugis.
Gayunman, habang naglalayag ay binalya ng malalakas na hangin at alon ang bangkang sinasakyan ng mga biktima kaya unti-unting lumubog.
Si Rentoy ay hindi umano marunong lumangoy na bagaman nakasuot ng life jacket ay hindi nakaligtas sa masungit na hampas ng alon.
Nabatid na nagpumilit ang mga awtoridad na maglayag sa kabila umano ng masungit na panahon at no sail policy ng Philippine Coast Guard (PCG).
Nasagip naman ng mga tauhan ng PCG ang mga kasamahan ng mga biktima kabilang ang team leader na si P/Chief Inspector Ronnie Pabia.
Lumilitaw pa sa imbestigasyon na tatlo lamang sa 14-sakay ng bangka ang nakasuot ng life jacket na sina Pabia, Rentoy at isa pang pulis na hindi marunong lumangoy.
Sa pahayag ni Pabia na pinilit niyang sagipin si Rentoy na kaniyang inalalayan pero hinampas sila ng malakas na alon kaya sila nagkahiwalay.
- Latest