5 Pinoy hostage na pinalaya ng Somali pirates, uuwi ngayon
MANILA, Philippines - Nakatakdang umuwi ngayong araw (Biyernes) sa bansa ang limang tripulanteng Pinoy na kabilang sa 26 seafarers na pinalaya ng mga piratang Somali matapos ang mahigit apat taong pagkaka-hostage sa karagatang sakop ng Seychelles sa East Africa.
Sasalubungin ni Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay at mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at kani-kanilang pamilya ang limang Pinoy na sina Arnel Balbero, Elmer Balbero, Antonio Libres Jr., Edwas Tininggal Jr. at Ferdinand Dalit sa kanilang pagdating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 lulan ng Emirates Airlines flight EK 332 mula Nairobi, Kenya.
Ang limang Pinoy ay pawang crew ng Omani-flagged FV Naham 3 kasama ang 24 iba pang tripulante nang i-hijack ng mga pirata habang naglalayag at tumatawid sa Indian Ocean, may 26 nautical miles sa Seychelles noong Marso 26, 2012 sa East Africa.
Isa sa mga crew ang napatay ng mga pirata sa kasagsagan ng hijacking habang 2 pang tripulante ang nasawi sa pagkakasakit habang hawak ng mga pirata.
Pinalaya ng mga pirata ang 26 tripulante na kinabibilangan ng mga Pinoy, at Cambodian, Chinese, Indonesian, Taiwanese at Vietnamese nationals noong Oktubre 25, 2016 at ipinasa sa Embahada ng Pilipinas sa Nairobi.
Napalaya umano ang 26 tripulante matapos na makapagbigay ng ransom ang may-ari ng barko sa mga abductors kasunod ng pakikipag-negosasyon ng Oceans Beyond Borders.
- Latest