Nag-i-improve si Thompson
Patuloy na umaangat ang laro ni Barangay Ginebra rookie Scottie Thompson – isa sa mga dahilan kung bakit nasa kainitan ng laban ngayon ang mga Gin Kings para sa eliminations top ho-nors sa PBA Governors’ Cup.
Pagkatapos ng double-double performance (12 points at 12 rebounds) kontra sa Mahindra, humatak ng career-high na 16 rebounds si Thompson sa kanilang 96-87 panalo laban sa Phoenix Petroleum noong Miyerkules ng gabi sa Ynares Sports Center-Antipolo.
Umangat sa 8.7 rebounds a game ang average ni Thompson, pangalawa sa lahat ng local players sa likod ni June Mar Fajardo (12.0 rpg) at ito ay kagulat-gulat mula sa isang guard na ang taas ay 6-foot-1 lamang.
Sabi ni Ginebra coach Tim Cone, natuto na silang hindi magulat sa mga bagay na ginagawa ni Thompson dahil regular niya itong ipinapakita sa praktis.
“When we saw him coming out of nowhere to get rebounds during our practices, we knew that Scottie is truly special and deserves a special spot in the team,” saad ni Cone.
Ang kisig sa paghugot ng rebound ay katangian na ipinakita ni Thompson mula sa kanyang pagla-laro sa Perpetual Help Altas sa NCAA.
Marami siyang triple-double performance sa kanyang NCAA MVP season noong 2014. Ang kanyang frustration ay hindi napagkampeon ang Altas.
Ang parehong katangian ay naipakita rin ng Davaoeño na ito sa kanyang stint bilang miyembro ng Gilas cadet team sa 2015 SEABA Championship at 2015 SEA Games na parehong ginawa sa Singapore.
Sa kanyang PBA rookie year, agad siyang napa-sama sa core rotation ng Ginebra. Sa kasalukuyang Governors’ Cup, pang-anim si Thompson (22:78) sa may pinakamahabang oras na inilalaro sa koponan ni Cone, nasa likod ni Justin Brownlee (39:25), LA Tenorio (34:11), Japeth Aguilar (30:11), Sol Mercado (29:89) at Joe Devance (24:78).
Sa mga minutong ito, nag-a-average rin si Thompson ng 4.8 points, 3.1 assists at 0.6 steal.
Mababang kumpiyansa sa opensa ang setback ni Thompson. Makikita ito sa kanyang .315 field-goal shooting percentage at .565 clip sa free throws. Mas bulok ang kanyang three-point shooting -- 1-of-16 total sa buong conference.
Pero tiwala si Cone na mag-i-improve ito sa pagtagal niya sa liga.
- Latest