Bonus!
Dahil sa kanyang pagkapanalo ng world title nung Sabado ng gabi, tumanggap ng bonus si Jerwin Ancajas mula kay Senator Manny Pacquiao.
Kalahating milyon.
Si Pacquiao ang nag-promote ng laban ni Ancajas kontra McJoe Arroyo sa Philippine Navy Gymasium sa Taguig.
Nanalo si Ancajas.
Pinatumba niya si Arroyo, na siyang tumalo kay King Arthur Villanueva ng ALA Promotions last year. Bagsak si Arroyo sa eighth round at hindi na nakaporma.
Dinomina ni Ancajas, na tubong Panabo, Davao del Norte, ang laban.
Unanimous ang desisyon. Panalo siya sa lahat ng scorecards.
Matapos ang laban, dinala agad si Ancajas sa mansion ni Pacquiao sa Forbes Park.
Pinakita niya kay Pacquiao ang bitbit niyang IBF junior-bantamweight belt at masayang nagkwento ng kanyang pagkapanalo.
Natural, nangako si Pacquiao na may bonus si Ancajas.
Dahil gabi na, sarado na ang mga bangko. Mahirap naman mag-withdraw ng kalahating milyon sa ATM kaya pinapunta na lang si Ancajas sa office ng Senador nung Lunes.
Doon inabot ni Pacquiao ang bonus.
Abot tenga ang ngiti ni Ancajas at matinding pasalamat niya kay Pacquiao.
Hindi ako nagulat dahil walang tatalo kay Pacquiao sa pagkagalante. Chicken feed kay Pacquiao ang kalahating milyon.
Maliit lang ang kinita ni Ancajas sa laban. Halagang $3,700 lang ang fight purse niya, katumbas lang ng P173,000. May mga kaltas pa ito, kabilang na ang $1,000 mula sa IBF.
Eh wala na halos natira.
Ang kinalabasan, mas malaki pa ang bonus niya kay Pacquiao kesa sa kinita niya sa laban.
Paldo rin si Pacquiao.
Yung fight purse ni Ancajas na $3,700 ay nakita ko nang gastusin ni Pacquiao sa isang kainan sa restaurant kasama ang kanyang pamilya at mga kaibigan sa Amerika.
Wala sa kanya ang kalahating milyon.
Chicken feed.
- Latest