‘Godfather system’ nais ibalik ni Romero
Palalakasin ang elite athletes para sa asam na ginto sa Olympics
MANILA, Philippines - Hindi lamang ibibigay ni 1Pacman party-list No. 1 nominee Dr. Mikee Romero ang kanyang monthly salary kundi hahanapan din niya ng karagdagang pondo ang mga elite athletes kung makakakuha siya ng congressional seat sa darating na eleksyon.
Ito ang handang gawin ni Romero para lamang maibigay sa bansa ang kauna-unahang god medal sa Olympic Games.
“I will not get my salary if given the chance to serve the country as a member of the Congress. I will form a team to select young and promising talents, who will receive my financial help,” wika ng No. 1 nominee ng 1Pacman Partylist.
Nanawagan din ang 1Pacman candidate, isa sa mga batang bilyonaryo sa bansa, na ibalik ang “godfather system” sa Philippine sports bilang paghahanda para sa Tokyo Games sa 2020.
“It’s high time to bring back the godfather system in sports,” wika ni Romero, nagtayo ng world class passenger terminal sa North Harbor bukod pa sa pagiging may-ari ng AirAsia Philippines.
Alam ng 1Pacman nominee ang papel ng isang “godfather” matapos maging chief backer ng Philippine basketball team noong 2007 SEA Games sa Thailand.
Binanderahan nina PBA stars Jayson Castro, Beau Belga at Gabe Norwood, nakatanggap ang 2007 PH team ng top class training mula sa suporta ng Globalport owner para iuwi ng gold medal sa SEA Games.
Para sa mga elite athletes, plano ng Globalport owner na kausapin ang ilang giant corporations para kumbinsihin silang umampon ng isa hanggang dalawang atleta.
“Kailangang mabusog ng pagmamahal ang mga atleta natin and we can only do that if we provide them all they need – pera para sa pamilya nila bukod sa first class training na kailangan nila,” ani Romero.
Kukumbinsihin din ni Romero ang ilan niyang mga kaibigan para sa financial assistance sa mga atleta.
“Kapag nasa competition ang mga atleta natin, especially in the Olympics, dapat worry-free sila para maganda ang chance nilang manalo ng ginto,” dagdag pa ng 1Pacman Partylist No. 1 nominee.
- Latest