Salome (22)
SA kabiglaanan ni Salome ay hindi niya agad magawang maalis ang kandado ng gate. Bilin kasi ni Mam Pilar ay huwag hahayaang hindi nakaumang ang kandado.
“Ano ba? Bilisan mo!’’
“Opo! Opo!’’
Hanggang sa maalis ni Salome ang kandado ng gate. Binuksan.
“Ang bagal mo! Si Mama nandiyan ba?” Tanong ng lalaki. Hindi agad makasagot si Salome. Parang nag-blackout siya. Sino ba itong lalaking ito?
Pero bago nakasagot si Salome ay nakapasok na ang lalaki at tuluy-tuloy sa main entrance ng bahay. Deretso sa loob. Parang ipinako sa pagkakatayo si Salome. Kung magnanakaw ang lalaki, napasok na sila at siya ang may kasalanan. Siya ang sisisihin ni Mam Pilar. Sasabihin na tatanga-tanga siya.
Pero kung magnanakaw ang lalaki, bakit kilala si Mam Pilar. Kung narito raw ang mama niya. Baka anak ni Mam Pilar. Sabi ni Mac, may dalawang anak daw ang asawa ng kanyang daddy.
Nang magbalik sa normal, isinara ni Salome ang gate. Ibinalik ang kandado sa pagkakakabit. Nagbalik siya sa ginagawang pagdidilig ng mga halaman. Iba’t ibang halaman ang kanyang dinilig kabilang ang mga santol Bangkok at mga bayabas. Sabi ni Sir Hector, huwag daw niyang pababayaang matuyo. Sa umagang-umaga dapat diligan ang mga iyon.
Matapos magdilig, ang mga nilabhan namang kurtina at mga damit ang kinuha sa sampayan. Kailangang malinis na malinis ang mga kurtina sapagkat gagamitin sa party.
Matapos maisaayos ang mga kurtina, saka lamang siya nagtungo sa kitchen para kumuha ng pagkain. Naabutan niya si Manang Sabel na mayroong inaapurang niluluto. Amoy bistik.
“Manang Sabel, puwede na ba akong kumain? Napagod ako sa pagdidilig at paglalaba.’’
“Oo naman. Sumandok ka na lang dun. Inaapura ko lang itong bistik at baka sigawan ako ng anak ni Mam Pilar. Biglang dumating ang hinayupak!’’
“Ah siya ba yung dumating? Ako ang nagbukas ng gate.’’
“Si Rocco yun!’’
“Mukhang tarantado, Manang!’’
“Loko nga yun! Rocco-rocco!’’
(Itutuloy)
- Latest