Howard humataw, Rockets pinigil ang Spurs
HOUSTON -- Sinamantala ni Dwight Howard ang kahinaan ng nagdedepensang San Antonio Spurs sa shaded lane para banderahan ang Houston Rockets sa 98-81 panalo.
Kumolekta si Howard ng 32 points at 16 rebounds para sa 6-0 baraha ng Rockets kumpara sa 2-2 ng Spurs.
Hindi naglaro para sa San Antonio sina Tim Duncan at Tiago Splitter.
Hindi rin nakalaro si Manu Ginobili matapos pagbidahan ang San Antonio sa 94-92 panalo sa Atlanta Hawks.
Kumamada si James Harden ng 20 points, 6 rebounds at 6 assists sa pang-anim na sunod na panalo ng Houston.
Pinamunuan naman ni Cory Joseph ang Spurs sa kanyang 18 points mula sa bench kasunod ang 12 ni Aaron Baynes na nagdagdag din ng 11 rebounds.
Kaagad na naglista si Howard ng double-double na 20 points at 12 rebounds sa halftime matapos dominahin sina Matt Bonner, Jeff Ayers, at Baynes.
Sa Portland, Oregon, nilimitahan ng Portland ang Dallas sa 8 points sa kabuuan ng fourth quarter para kunin ang 101-74 panalo.
Tumapos si LaMarcus Aldridge ng 20 puntos at nagdagdag naman si Damian Lillard ng 18 puntos para sa Trail Blazers.
Sa Indianapolis, sa kagustuhang mapalakas ang kanilang kampanya sa NBA, muling hinugot ng Pacers ang guard na si A.J. Price.
Nitong Huwebes (Biyernes Manila time) ay pinapirma ng Indiana ang free agent ng kontrata.
Si Price ay naglaro ng kanyang unang tatlong NBA season sa Pacers.
- Latest