‘Dear, hindi ako ito’
ISA sa mga paborito kong joke ay tungkol sa isang mis-ter na nahuli ng kanyang misis na nakapatong sa ibang babae. Hubo’t hubad na tumayo si mister sa harap ni misis at sinabi: “Dear, hindi ako ito.”
Ito ang naging dating sa akin ng paliwanag ni Vice President Jojo Binay on national TV noong Huwebes tungkol sa mga akusasyon laban sa kanya ng corruption lalo na sa overpricing ng Makati parking building.
Labas sa ilong ang paliwanag ni Jojo. Mangmang lang siguro ang maniniwala sa mga sinasabi niya. Kung ako kay Jojo, tumahimik na lang siya at hayaan na lang kung saan hahantong ang kaso ng plunder na naisampa na sa kanya at kanyang dayunyor na mayor ngayon ng Makati.
Once upon a time, hinangaan ko si Jojo. Kaya noong gusto siyang patalsikin ni DILG Sec. Ronnie Puno nang puwersahan sa puwesto bilang mayor ng Makati, tumakbo ako sa Makati City Hall para umalalay sa kanya.
Panahon kasi noon ni President Gloria M. Arroyo at pareho kami ni Jojo na nanawagang mag-resign na si GMA dahil sa sobrang corruption sa ilalim ng kanyang pamamahala.
Kung alam ko lang na si Jojo at si GMA ay birds of the same feather, hindi na sana ako nag-aksaya ng oras. Dapat pala ay itinuloy ni Puno ang pagpapatalsik noon kay Jojo bilang mayor ng Makati.
Ayon sa World Bank, ang malawakang katiwalian daw sa Pilipinas ay sanhi ng widespread joblessness. At dahil sa kawalan ng job opportunities, milyones ng ating mga kababayan ay nangingibang bansa para sa ikabubuhay ng pamilya.
Samakatuwid dahil sa walang pakundangang pagnanakaw ng pera ng taumbayan maraming Pinoy ang naghihirap ngayon o nagiging OFW. At ngayo’y si Jojo pa ang ginawang Presidential Adviser on OFWs. Baliktad, dapat ang OFWs ang mag-advise kay Binay ng ganito: “Lubayan mo na Sir Binay at iyong pamilya para makauwi na kami sa Pilipinas.”
- Latest