MRT, walang tigil-operasyon
MANILA, Philippines - Tuloy pa rin ang regular na operasyon ng Metro Rail Transit (MRT-3) sa kabila ng sunud-sunod na aberyang dinanas nito sa mga nakalipas na araw, gayundin ang auditing na isinasagawa ng mga eksperto mula sa Hong Kong.
Ayon kay Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya, walang katotohanan ang mga ulat na ititigil ng MRT-3 ang operasyon nito tuwing weekend.
Sinabi ni Abaya na sa ngayon ay maganda ang performance ng mga tren.
Bumuo aniya ang MRT at Light Rail Transit (LRT) ng sariling team upang siyang mag-monitor sa trabaho ng kasalukuyang maintenance provider sakaling mag-take over ang pamahalaan.
Si dating director for operations Renato San Jose aniya ang itinalagang officer-in-charge (OIC) ng MRT dahil hindi kaya ng unang itinalagang OIC na si LRT administrator Honorito Chaneca na pamahalaan ang tatlong linya ng tren. Gayunman, tumutulong pa rin aniya si Chaneca partikular na sa pag-upgrade at capacity expansion ng MRT.
Inaasahan namang matatapos ang isinasagawang audit ng mga eksperto mula sa MTR ng Hong Kong, na sinimulan noong Agosto sa loob ng 52-araw. Sinimulan na rin aniya ng DOTC ang bidding process para sa three-year concession agreement ng linya.
- Latest