EDITORYAL - Ilantad ang listahan ni Janet Napoles
SINABI ni Justice Secretary Leila de Lima na hindi niya ilalabas ang listahan ni Janet Napoles kaugnay sa mga senador na sangkot sa PDAF scam. Huwag daw siyang i-pressure. Kahit daw siya i-contempt ng mga senador hindi niya ilalabas ang listahan ng pork barrel scam queen. Maghintay na lamang daw ng tamang pagkakataon ang mga senador kaugnay ng nilalaman ng listahan. Ayon pa kay De Lima, bineberipika pa ng kanyang tanggapan ang mga testimonya ni Napoles. Nakausap nang masinsinan ni De Lima si Napoles sa Ospital ng Makati, isang araw bago operahan sa matris at obaryo.
Ang patuloy na pagtanggi ni De Lima na ilabas ang listahan ni Napoles ay nagbibigay ng agam-agam at pagdududa sa marami. May naghihinala na may ginagawang “madyik†ang DOJ kaya ayaw ilantad ang listahan ng pork barrel queen.
Ang pagtangging ilantad ang listahan ay nag- papahina rin sa kredibilidad ng kaso. Maraming napapailing sa ginagawa ng DOJ ukol sa kaso ni Napoles. Makaraang makausap ni De Lima si Napoles, parang nagpahiwatig ang Justice secretary na gustong maging state witness ang pork barrel scam queen. At sa himig ni De Lima, parang gusto niya bagamat kailangan pa ito ng pagsang-ayon ng Ombusdman. Ayon kay De Lima, 12 senador ang idinadawit ni Napoles. Pero ayon naman kay dating senador at ngayon ay rehabilitation secretary Panfilo Lacson, nasa 19 na senador ang nakita niya sa affidavit ni Napoles. Mas una raw na nalaman ni Lacson kaysa kay De Lima ang listahan ni Napoles. Marami rin daw kongresista ang sangkot at pawang nasa partido ng administrasyon.
Para mawala ang mga haka-haka at pagdududa na may ginagawang “madyik†sa listahan ni Napoles, ilabas na ito. Kailangang malaman na ang katotohanan at maparusahan ang mga sangkot kahit pa kaalyado ng kasalukuyang administrasyon. Dito makikita kung nasa tamang “daan’’ ang pamahalaang Aquino.
- Latest