^

PSN Opinyon

‘Dual Sim naman ngayon’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

NASILAW siya sa kinang ng talas ng kutsilyong panghiwa ng karne. Sa lapad ng talim… maski buto kayang tadtarin.

Ito ang bagay na kinatakutan ng Pinay na dating Domestic Helper (DH) sa Malaysia. Siya si Evangeline “Evan” Arabit, 32 anyos taga Pasig City.

“Binalikan nila ako sa kwarto. Ang amo kong lalaki may dala ng pang-chop ng buto-buto. Tinutok sa mukha ko… habang binatuk-batukan ang noo ko ng kanyang palad,” pagbabalik tanaw ni Evan.

Ika-22 ng Enero kasalukuyang taon, nagsadya sa’min ang asawa ni Evan na si Rolando ‘Weng’ Arabit, 31 anyos---traysikel drayber. Hiniling niyang pauwiin si Evan na ilang buwan pa lang nagtatrabaho Malaysia.

Isinulat namin ang sinapit ni Evan sa’ming pitak sa CALVENTO FILES sa PANGMASA (PM) at aming pinamagatang, “Walang signal” at “May signal na”.

Inilapit namin ang nangyari kay Evan sa Department of Foreign Affairs (DFA) kay Usec. Rafael Seguis at pinarating ang suliranin ng ating kababayan sa ating embahada sa Malaysia at sa ating Ambasador.

Nakatanggap kami ng mga ulat mula kay Charge d’ Affaires Dary Macaraig ng Kuala Lumpur, Malaysia at sinabing agad nila itong aaksyunan. Ika-6 ng Marso 2014, nagbalik sa aming tanggapan si Weng. Sa pagkakataong ito kasama na niya si Evan.

“Salamat po… sa tulong ninyo nakauwi ako,” panimula ni Evan.

Para alamin ang tunay na nangyari kay Evan sa Malaysia nagkaroon kami ng pagkakataong kausapin siya sa aming programa sa radyo ang “CAVENTO FILES’’ sa radyo ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ. Lunes-Biyernes mula 2:30:4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN.

Kwento niya, Ika-7 ng Nobyembre 2013, nakaalis siya ng bansa sa tulong ng ahensyang Verdant Manpower Mobilization Center Inc.

Mag-asawang kinilala niyang Chai Lee Tying (lalakeng amo), Ho Siak Kee at dalawang nilang anak nasa edad 4 at 2 taon ang kasama niya sa bahay.

Maayos naman nung una ang trato sa kanya ng pamilya… maliban sa dalawang bahay pa ng kamag-anak ng kanyang amo ang nililinisan niya.

Ika-23 ng Desyembre 2013  habang naglilinis sa ikatlong palapag si Evan bigla siyang pinababa sa kanyang kwarto at pinagalitan ng mag-asawang amo.          

Nakita kasi sa kanya ang cellphone Nokia C2 model matapos halungkatin ng among babae ang kanyang gamit. Nakasiksik ang cellphone sa kanyang mga damit. Bawal daw ang paggamit ng cellphone kaya naman agad na nagsumbong ang amo sa ahensya ni Evan sa Malaysia, ang Golden Success.

Pinasa sa kanya ng amo ang cellphone at pinakausap siya sa isang nagngangalang ‘May’, Chinese National---kanyang ‘agent’.

Pinaliwanag ni Evan na kailangan lang niya ng kontak sa  kanyang mag-aama sa Pinas. Hindi naman daw siya pinakinggan ni May maging ng mga amo at dineretso siya sa ‘police station’ para ipa- ‘blotter’.

“Pinalabas nilang nagpapasok ako ng ibang tao sa bahay,” ani Evan.

Mula nun pumangit na ang pakikitungo ng kanyang amo. Ika-31 ng Enero 2014, pinagbintangan na lang daw siya ng mag-asawa na kumuha ng perang 2,000 ringgit. Nagkakahalaga ng Php27,180 sa pera ng Pilipinas.

Kinalikot ng mga ito ang gamit ni Evan. Nang walang makita agad lumabas ang mga ito. Pagbalik may dala na umanong pangtaga ng buto ng karne (butcher knife) ang among lalaki at tinakot siya.“Pinagsasampal niya ang ulo ko gamit ang palad niya sabay sabing ‘Gusto mo patayin kita?! Nagbanta rin ang amo kong babae na baka ‘di ko na makita mga anak ko…” ayon kay Evan.

Sinabi din daw ng mga itong papadaanin lang ang Chinese New Year at dadalhin siyang muli sa pulis. Sa puntong ito naisip na niyang tumakas.

“Nagpalipas lang ako ng isang araw para ‘di halata. Feb. 01 umaga nagpaalam akong magsasampay ako ng labahan sa labas,” kwento ni Evan.

Matapos magsampay nanakbo ng palayo ang Pinay. Walang tanging dala maliban sa ID lumabas siya sa subdibisyon.

Nang makarating sa ‘highway’ nakasalubong niya ang isang Malaysian National at naghingi siya ng tulong papunta sa kanyang agency sa Harvest. Sinamahan siya nito sa taxi at ibinaba sa terminal sa Ama Jawa.

Isang matandang Indian National at sinakay naman siya sa bus. Nakara­ting siya sa isang Indian Church.  Dumiresto siya sa kantina sa gilid nito. Dito isang Bumbay naman ang kanyang nakausap. Kinwento niya ang sinapit niya.

Mabait ang kumupkop sa kanya at binigyan siya ng trabaho. Pinalinis siya ng bahay at pinagbantay ng kantina. Dito siya tumuloy hanggang ika-5 ng Pebrero. Binigyan siya ng 115 Ringgit bayad sa ilang araw niyang pagtatrabaho at cellphone para ‘pag nagkaproblema siya makakatawag siya sa mga ito.

Pagdating sa ahensya nauna na pa lang nagreklamo sa kanya ang kanyang employer ng kasong pagnanakaw, pagpapapasok ng ibang tao at pagtakas.

Sa halip na pagpaliwanagin kinampihan daw ng ahensya ang kliyente nila.

“Kinapkapan ako at ‘di pa dun natigil pinahubad nila sa akin ang lahat ng aking damit. Nakuha pati perang bigay ng taong tumulong sa’kin pati ang cellphone… na lahat nakatago sa panty ko,” kwento ng Pinay.               

Sabi raw sa kanya kanila muna ang cellphone at pera dahil baka ninakaw niya ito sa amo niya. Parehong araw inilipat si Evan sa ‘main agency’ sa Golden Success na sinalarawan niyang  bahay na nakaselda ang mga pintuan.

“ ‘Pag umaalis ang mga tao sa ahensya nila-lock kami. Pinagtatrabaho rin kami dun. Pini-pick up kami, pinaglilinis at inuuwi rin pero walang binabayad sa amin,” ayon kay Evan.

Habang nasa ahensya tinawagan raw siya ng may-ari ng Verdant at sinabing mapapauwi na siya. Pinapunta siya nito sa ahensya at binilanan umanong, “Sabihin mo dun na-home sick ka lang!”

Bago umalis sa ahensya pinapirma daw siya ni May ng dokumento. Nakasaad dun na bibigyang siya ng halagang 500 ringgit na subalit 50 ringgit lang umano ang binigay sa kanya. “Pumirma na ako para matapos na,” sabi ni Evan.

Pebrero 26 ng magpunta siya sa ating embahada. Ibinalik ng dating amo  ang passport niya. Dalawang araw makalipas Pebrero 28, nakauwi siya ng Pinas.

“Kahit ganito po ang sinapit ko, masaya ko dahil kasama ko na ulit ang pamilya ko at ligtas akong nakabalik. Salamat po sa tulong inyo!” ani Evan.

Muli naming kinikilala ang malaking tulong  na ibinigay ng DFA sa ating kababayang si Evan. Inilapit din sa amin ni Evan na baka may maitutulong kami sa sahod na ‘di niya nakuha na aabot sa 800ringgit o Php13,000. Gagawin namin ang aming makakaya upang makolekta niya ang pera na nararapat sa kanya. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th flr CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Magtext sa 09213263166, 09198972854 o tumawag sa 6387285/7104038.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

AMO

EVAN

GOLDEN SUCCESS

IKA

KANYANG

NIYA

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with