VP Sara tumangging manumpa na magsasabi ng totoo sa Kamara
MANILA, Philippines — Tumanggi si Vice President Sara Duterte na manumpa na magsasabi ng totoo sa pagharap nito sa House Committee on Good Government and Public Accountability na nag-iimbestiga kaugnay ng paggamit ng pondo ng Office of the Vice President (OVP).
Sa pagdinig kahapon, inatasan ng chairperson ng committee na si Manila Rep. Joel Chua ang committee secretary na panumpain muna ang mga inimbitang resources persons mula sa OVP, Department of Budget and Management (DBM), at Commission on Audit (COA).
“Do you solemnly swear to tell the truth, the whole truth and nothing but the truth (in this inquiry)? So help you, God,” anang Committee Secretariat sa mga resource persons.
Gayunman, tumanggi na manumpa si VP Sara at iginiit na batay sa imbitasyon na ipinadala sa kanya ng komite siya ay resource person at hindi isang witness. Ayon umano sa rules ng Kamara ang mga witness lamang ang kailangang mag-oath.
Sinabi naman ni Chua na ang mga resource person at witness ay kailangang manumpa na magsasabi ng totoo.
Sumuporta naman si dating Pangulo at incumbent Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo sa posisyon ni Duterte at tinukoy ang mga ruling ng Korte Suprema at mga precedent sa Senado.
Pero ipinunto ni Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores na ang mga resource person sa pagdinig ay hindi itinuturing na akusado.
Nag-ruling si Chua na “noted” ang sinabi ni Arroyo.
Pinayagan ni Chua si Duterte na maghayag ng kanyang pambungad na talumpati kung saan sinabi nito na ang pagdinig ay isa na namang pag-atake sa kanya at iniugnay ito sa 2028 presidential elections.
Hiniling din ni Duterte kay Chua na tapusin na ang pagdinig subalit hindi ito pinagbigyan.
Humingi ng isang minutong recess si Duterte at nilapitan nito sina Arroyo at Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta.
Makalipas ang ilang minuto, nagpaalam si Duterte na aalis na. Pinayagan naman ito ni Chua lalo at hindi naman umano ito nanumpa na magsasabi ng totoo.
Noong Disyembre 2017, si dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III ay nanumpa na magsasabi ng totoo sa pagdinig ng Senado kaugnay ng dengue vaccine.
Noong 2006, nanumpa rin na magsasabi ng totoo si dating Pangulong Fidel V. Ramos sa imbestigasyon ng Senado kaugnay ng isyu ng pagkuha ng mga independent power producers upang masolusyunan ang malawakang brownout na naranasan noon.
- Latest