Tall Blacks winalis World Cup Asian Qualifiers

MANILA, Philippines — Tuluyan nang winalis ng New Zealand ang second round ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers Window 4 matapos tibagin ang Syria, 126-74, kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kumamada si Corey Webster ng 22 points para igiya ang Tall Blacks sa two-game sweep at itaas ang baraha sa 6-2 sa Group E.
Nahulog ang mga Syrians sa 2-6 marka.
Nauna nang umeskapo ang New Zealand sa Iran via overtime, 93-91.
Nagdagdag si Flynn Cameron ng 21 markers kasunod ang 20 points ni Sam Mennenga para sa Tall Blacks na ibinaon ang Syria sa 116-63 sa huling 4:28 minuto ng fourth quarter.
Ang top three teams sa bawat grupo at ang best fourth-placed team ang lalaro sa 2027 FIBA World Cup na nakatakda sa Agosto 27 hanggang Setyembre 12 sa Qatar.
Kasalukuyan pang nilalabanan ng Gilas Pilipinas (3-4) ang Iran (5-2) kagabi habang isinusulat ito kung saan target ng tropa ni coach Tim Cone na masundan ang 82-81 overtime win sa Jordan (5-2) noong Biyernes.
Muling sasalang sa aksyon ang Nationals sa Window 5 at 6 kung saan muli nilang lalabanan ng dalawang beses ang Syria (Nobyembre 28 at Marso 1, 2027) at ang Iran (Disyembre 1 at Pebrero 26, 2027).
- Latest






















