‘Mass resignation’ sa Philippine Army fake news – AFP
MANILA, Philippines — Fake news umano ang kumakalat sa social media hinggil sa umano’y ‘mass resignation’ sa Armed Forces of the Philippines (AFP) partikular na sa Philippine Army bilang suporta kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos itong ipaaresto ng International Criminal Court (ICC) upang litisin sa ‘crimes against humanity’.
“We have not received reports of our personnel resigning because of the recent events. The Philippine Army is a professional organization composed of professional soldiers that remains focused to our mandate,” mensahe ni Army spokesperson Col. Louie Dema-ala.
Ginawa ni Dema-ala ang pahayag matapos namang bahain ng mga report ang social media na may nagaganap umanong ‘mass resignation’ sa hanay ng AFP lalo na sa Philippine Army na kumakatawan sa pinakamalaking hukbo ng militar ng bansa.
“Kung social media lang yang basis natin definitely ano, di natin mapaniwalaan yan. But currently, wala tayong narereceive na reports, actual na mga sundalo, Philippine Army, na nagreresign,” anang opisyal.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Dema-ala na nanatiling mataas ang moral ng Philippine Army at iginiit na isa silang propesyunal na organisasyon na hindi nakikisawsaw sa gulo sa pulitika.
“Naka-focus lang tayo sa mandate ng Philippine Army,” ani Dema-ala na iginiit pang hindi na aniya kailangan pa ng loyalty check sa kanilang hanay na mahigit 100,000 ang kabuuang puwersa.
Inihayag naman ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na hindi beripikado ang nasabing social media post kaya hindi ito dapat basta na lamang paniwalaan.
- Latest