Eala paghahandaan ang US Open
MANILA, Philippines — Paghahandaan ni Alex Eala ang pagsabak nito sa prestihiyosong US Open na papalo sa Setyembre sa New York.
Kaya naman dalawang malalaking torneo na agad ang nakalinya para sa 21-anyos Pinay netter na magsisilbing warmup tournaments nito.
Uumpisahan ni Eala ang hard court season sa pagsalang nito sa Mubadala DC Open na idaraos mula Hulyo 27 hanggang Agosto 2 sa Washington, DC.
Ang Mubadala ay isang WTA 500 event kung saan lalahukan ito ng matitikas na netters sa mundo.
Kabilang na rito sina defending champion Leylah Fernandez ng Canada gayundin sina world No. 8 Elina Svitolina ng Ukraine, world No. 13 Marta Kostyuk ng Ukraine, world No. 14 Naomi Osaka ng Japan at world No. 16 Iva Jovic ng Amerika.
Matapos ang Mubadala DC Open, sunod na lalahukan ni Eala ang National Bank Open sa Toronto, Canada na gaganapin naman mula Agosto 2 hanggang 13.
Ang WTA National Bank Open ay isang WTA 1000 event kung saan inaasahang mabibigyan si Eala ng opening round bye dahil sa mataas na puwesto nito sa WTA rankings.
Kasalukuyan itong nasa ika-32 puwesto ngunit inaasahang aangat pa ito sa oras na ilabas ang bagong WTA official rankings sa Lunes.
Bago simulan ang hard court season, magpapa-hinga muna si Eala upang makabawi ito sa pukpukang laban na hinarap nito sa grass season.
Tagumpay si Eala sa grass season dahil nakasungkit ito ng korona sa WTA 125 Birmingham Open habang umabot ito sa semis sa Berlin Open at fourth round sa Wimbledon Championships.
Masaya si Eala sa na-ging laban nito kaya’t ma-laki ang pasasalamat nito sa kanyang mga supporters na patuloy na dumaragsa sa kanyang mga laban.
Magkakaroon din si Eala ng meet and greet sa Maynila bago tumulak sa Amerika para simulan ang training camp nito para sa hard court season.
- Latest

















