Deloria bumida sa Galeries Tower

MANILA, Philippines — Pumalo si Erika Deloria ng 24 points mula sa 22 attacks at dalawang service aces para tulungan ang Galeries Tower sa 25-17, 24-26, 25-19, 26-24 pagdaig sa Farm Fresh sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) On Tour kahapon sa Batangas City Sports Coliseum.
Nag-ambag si veteran Aiza Maizo-Pontillas ng 13 markers para sa 1-0 baraha ng Highrisers na nakahugot kay setter Jules Coronel ng 21 excellent sets, habang may pito si No. 1 overall pick Lams Lamina sa kanyang PVL debut.
“Mayroon pa rin sa system namin na kailangan niyang i-adopt pa. Pero siyempre, nasa process pa rin iyon,” ani coach Aying Esteban kay Lamina na dating pambato ng NU Lady Bulldogs sa UAAP.
Nagdagdag sina Jean Asis at Roselle Baliton ng tig-siyam na puntos.
Pinamunuan ni Royse Tubino ang Foxies sa kanyang 12 points.
Matapos makatabla ang Farm Fresh sa second set, 26-24, ay bumawi ang Galeries Tower at inagaw ang third frame, 25-19.
Sa fourth set, itinabla nina Ces Molina at Riri Meneses ang Foxies sa 24-24 bago iniskor nina Ebon at Baliton ang huling dalawang puntos ng laro para sa panalo ng Highrisers.
Samantala, posibleng imbitahan ng PVL ang Alas Pilipinas ni Japanese coach Taka Minowa para maging guest team sa darating na Invitational tournament sa susunod na buwan.
Ito ay para makatulong ang liga sa preparasyon ng Nationals na lalahok sa 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan sa Setyembre.
Kabilang sa mga miyembro ng Alas Pilipinas training pool ay sina Bella Belen, Vanie Gandler at Erika Santos ng Capital1, Alyssa Solomon ng Strong Group Athletics, Eya Laure ng Choco Mucho at Jia De Guzman ng Creamline.
- Latest




















