‘Walis’ (Part 18)
“MARAMING salamat po Mam,’’ sabi sa akin ng dalagita matapos kong iabot ang P500 at hindi ko na kinuha ang sukli.
Napansin ko ang mga bakas ng walis-tingting sa kanyang magkabilang braso.
“Napaano yan, ‘Ne?’’
Sasagot na sana ang dalagita pero nag-“green” ang ilaw sa stop light.
“Sige, ‘Ne!” sabi ko.
“Salamat po uli Mam.”
Pinatakbo na ni Brent ang kotse. Nang silipin ko sa rear view mirror ang dalagita ay hinahabol pa niya kami ng tingin. Parang tinatandaan niya ang plate number ng aming kotse.
Nang makarating ako sa school na aking pinagtatrabahuhan, ang dalagita pa rin ang nasa isipan ko. Hindi mawala sa isipan ko ang mga bakas ng walis-tingting sa kanyang mga braso.
Nanariwa sa akin ang mga nangyari noong ako ay halos kasing-edad din marahil ng dalagita—marami rin akong bakas ng walis-tingting sa braso at maski sa mukha dahil sa pagmamaltrato ni Tiya Clems.
Ganundin kaya ang dinaranas ng dalagita kaya may bakas siya ng walis-tingting? Ang naranasan ko ay dinaranas din ng dalagita.
KINABUKASAN nang inihatid ako ni Brent sa school ay nakiusap ako sa kanya na kapag nakita namin ang dalagita ay kakausapin ko. Nauunawaan ako ni Brent dahil alam niya ang mga nangyari sa akin noon.
“Ipa-park ko ang kotse para makausap mo siya nang masinsinan.”
“Salamat Brent.”
“Sana makita natin siya.”
“Oo nga. Malakas ang kutob ko, na may pinagdadaanan siya. Baka matulungan natin.”
Nang nasa lugar na kami na kinakitaan kahapon sa dalagita, wala siya roon.
“Baka hindi nagtinda ng sampaguita.”
“Baka nga.’’
Umalis na kami.
“Abangan uli natin bukas, Divina,” sabi ni Brent.
“Oo.”
(Itutuloy)
- Latest