San Juan-LGU tutulungan ang mga biktima ng ‘Wattah’ fest
MANILA, Philippines — Nag-alok ng tulong ang local government unit ng San Juan City na magsampa ng reklamo ang mga naging biktima ng “Basaan” o “Wattah Wattah” Festival laban sa mga kalahok na nagdulot ng kaguluhan.
Humingi si San Juan City Mayor Francis Zamora ng paumanhin sa naganap na kaguluhan, sa dapat sana ay masayang pagdiriwang.
“Ako’y humihingi ng paumanhin sa pista ng San Juan. Nanawagan ako sa mga gustong mag-file ng complaint pumunta lang sa aming opisina. Handa ang aming tanggapan, ang city Legal Office, to assist na i-file ang mga kaso,” ani Zamora.
Pagtiyak pa niya, iniimbestigahan na nila ang insidente at tinutukoy ang mga taong naging sanhi ng kaguluhan upang masampahan ng kaso ang mga ito.
Aniya, may existing silang ordinansa na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpilit na buksan ang mga sasakyan para basain ang mga sakay nito at maging ang mga dumadaan, lalo na kung papasok sa trabaho ang mga ito.
Nanindigan pa ang alkalde na iilan lamang ang mga hindi sumunod sa naturang ordinansa at kasalukuyan na nilang tinutunton at tinutukoy kung sinu-sino ang mga ito.
Plano rin umano nilang magkaroon ng pagbabago o adjustment sa susunod na selebrasyon ng Wattah! Wattah Festival!, sa pamamagitan ng paglalagay ng ‘basaan zone’ sa lungsod.
Hindi pa rin naman iniaalis ng lokal na pamahalaan ang posibilidad na sinabotahe ang pagdiriwang.
- Latest